Una sa Balita

OUT OF ORDER: Power struggle sa pagitan ng NFA at Office of CabSec

By
0 4

Noong nakaraang linggo ay ini­utos ni Pangulong Duterte na tanggalin si Undersecretary Maia Chiara Halmen Reina Valdez na naka-assign sa Office of the Cabinet Secretary at in-charge sa National Food Authority (NFA) na isa sa mga ahensyang nasa ilalim ni CabSec Leoncio Evasco Jr.

Inianunsiyo mismo ng Pangulo ang pagsibak kay Usec. Valdez dahil sa naging posisyon nito na puwedeng pumasok ang private sector sa importasyon ng 250,000 metriko toneladang bigas na aangkatin mula sa Vietnam taliwas sa posisyon ni NFA administrator Jason Aquino na gobyerno dapat ang mag-angkat nito.

Una rito, kinastigo ni CabSec Evasco si Aquino dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pulong ng NFA Council na siyang nagdedesisyon hinggil sa mga importasyon ng bigas.

Ang NFAC ay binubuo ng finance secretary, director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA), governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, kinatawan ng Office of the President, presidente ng Landbank of the Philippines, chairman ng Development Bank of the Philippines (DBP) at isang farmer sector representative.

May naamoy noon si CabSec Evasco na sabwatan sa pagitan ni Aquino at ng kanyang deputy administrator na si Ludovico Jarina hinggil sa rice importation — partikular ang extension sa mga nabigyan ng import permit noong nakaraang taon — kung kaya umugong noon na tatanggalin sa puwesto ang naturang NFA administrator.

Nagsalita na rin ang sinibak na Cabinet Undersecretary Maia Chiara Halmen Reina Valdez at nanindigan siyang hindi niya solong desisyon ang extension ng rice importation sa ilalim ng Minimum Access Volume (MAV).

“Into the extension of the deadline of the rice importation through the programmed Minimum Access Volume (MAV), in as much as I would like to take credit for it, such decision was never mine to make.

Being a mere alternate of the CabSec, I only cast the vote of my principal. I am not a member of the NFAC. I neither have voting rights nor authority, much less, an influence over these high ranking officials whose integrity, wisdom, and competence are far greater than their respective positions,” paliwanag ni Valdez sa isang opisyal na pahayag.

Binigyang-diin ni Valdez na si Aquino ang nagpupumilit na magkaroon ng government-to-government na importasyon ng bigas sa halip na bilhin ang mga palay ng mga magsasaka dahil nagsimula na noon ang harvest season.

Sinabi rin ni Valdez na nagkaroon ng consensus ang NFA Council na ang pagkakaroon ng G-to-G na importasyon ng bigas ay mangangahulugang dagdag na utang para sa NFA na matagal nang lubog sa utang dahil sa rice importation at dagdag na pasanin ito sa mga taxpayer.

Ang NFA Council din ang nagdesisyon na mas makabubuti na private-led importation ang dapat gawin dahil para menos gastos ito sa pamahalaan na siyang nagpapaluwal sa mga utang ng NFA.

“Despite the result of the discussion made by the NFAC, the NFA administrator has bypassed the Council, and even went directly to the President requesting that there be G2G importation of rice with total volume of one million metric tons,” paliwanag pa ni Valdez.

Ang ipinagtataka pa ni Valdez ay kung bakit nakikilalam si Agriculture Secretary Manuel Pinol sa NFA gayung nasa pangangalaga ito ng Office of the CabSec at kung paano nakarekta sina Aquino at Pinol kay Pangulong Duterte para baliktarin ang kuwento hinggil sa issue ng MAV rice importation.

Ang masaklap pa nito, matagal nang gustong makausap ni CabSec Evasco si Pangulong Duterte para ireklamo ang katigasan ng ulo ni Aquino pero bigo itong makakuha ng appointment sa Office of the Special Assistant to the President (OSAP).

Malinaw na may power struggle sa pagitan ni NFA Administrator Aquino at CabSec Evasco at lumilitaw sa ngayon na si Aquino ang nagtatagumpay sa naturang tunggalian sa kapangyarihan sa tulong na rin ni Agriculture Secretary Pinol na matagal nang gustong maibalik sa kanyang poder ang NFA.