Una sa Balita

OUT OF ORDER: Naaalarma na naman ang mga Pinoy sa Guam

By
0 94

Taong 2013 nang unang magbanta ang North Korea ng isang nuclear strike sa Guam matapos mag-deploy ang US Army sa naturang isla ng tinatawag na Terminal High Altitude Area Defence (THAAD) system na may kakayanang magpabagsak sa mga papalapit na ballistic missile.

Pero nanatiling banta lang ng North Korea ang naturang nuclear strike at kung hindi sana sa maaanghang na salita na pinakawalan kamakailan ni US President Donald Trump laban sa North Korean leader na si Kim Jong-un ay hindi sana ninenerbiyos ang may 163,000 residente ng Guam kabilang na ang mahigit 50,000 Pilipino.

Dahil sa matinding pagtuligsa ni Trump sa matagum­pay na paglulunsad ng North Korea ng kauna-unahang intercontinental ballistic missile tests (ICBM) noong nakaraang Hulyo, nagbanta muli si Kim Jong-un na kaya niyang tirahin ng isang ICBM na may nuclear warhead ang Guam na may layong 3,400 kilometro mula sa Pyongyang.

Guam ang pinakamalapit na teritoryo ng US sa North Korea kung kaya ito ang lohikal na maging target sakaling totohanin nga ni Kim Jong-un ang kanyang banta na maglunsad ng nuclear strike sa naturang isla.

Sa Guam din matatagpuan ang mga US military installation gaya ng Andersen Air Force Base at Naval Base Guam kung saan aabot sa 7,000 sundalong Amerikano ang naka-istasyon dito.

Kaya nga natural na target ang Guam ng mga kaaway ng Estados Unidos gaya ng nangyari noong World War II nang atakihin ito ng bansang Hapon kabilang na ang Pilipinas dahil sa Clark Air Base sa Pampanga.

Alam ng North Korea na sa Guam din ang launching point ng mga long-range ICBM ng US na nakatuon naman sa mga potensyal na kaaway ng Estados Unidos sa Asya, kabilang na ang China.

Noong Korean War (1950-53), sa Guam lumipad ang mga strategic bombers ng US Air Force na nagsagawa ng mga pambobomba sa North Korea noong kasagsagan ng Korean War kung saan naglaban sa kauna-unahang pagkakataon ang mga sundalong Amerikano at Peoples Volunteer Army ng Peoples Republic of China ni Mao Tse-tung. 

Naging tampukan na nga ng mga biruan na magkakamali si Kim Jong-un kung bobombahin niya ang Guam dahil hindi mga American citizen ang mga residente sa isla at ni hindi nila binoto si Donald Trump.

‘Unincorporated territory’ ng US ang status ng Guam kaya hindi bumoboto ang mga residente nito sa US presidential elections at tanging mga lokal na opisyal ng isla ang kanilang ibinoboto kabilang ang gobernador. 

Tama lang na maalarma ang mga Pinoy na residente sa Guam at dapat lang na maghanda ang ating konsulada sa isang worst-case scenario dahil na rin sa kasabihan sa wikang Ingles na “It is better to be alarmed than to be sorry.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy