Una sa Balita

OUT OF ORDER: Lokohan ang peace talks

By
0 5

Kinukuwestiyon ni Senador­ Gregorio ‘Gringo’ Honasan kung bakit hindi kinokondena ng ­National Democratic Front (NDF) ang mga taktikal na opensibang ­isinasagawa ng New People’s Army (NPA) sa kabila ng pagkakaroon ng peace talks sa pagitan ng NDF at gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi nga ni Honasan sa kanyang Twitter: “Sa mga kausap natin sa peace talks: If you have no control over those who continue to attack government troops and installations, why don’t you condemn these attacks? If you have no control and do not condemn the attacks, why are we talking?”

“This is bad faith. Lokohan ito,” dagdag pa ni Honasan na dating opisyal ng Philippine Army at naging leader ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) na nasa likod ng serye ng mga bigong kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino.

Sinabi ito ni Honasan isang araw matapos tambangan ng mga rebeldeng NPA ang convoy ng Presidential Security­ Group sa Arakan, North Cotabato kung saan apat na ­miyembro ng PSG ang nasugatan.

Nauna rito, dalawang miyembro ng Philippine Marines ang pinatay ng mga rebeldeng NPA sa Palawan habang ang dalawa ay namamalengke para pagkain ng kanilang yunit.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang serye ng mga pag-atake ng NPA laban sa mga tropa ng pamahalaan ang naging dahilan ng desisyon ni Pangulong Duterte para kanselahin ang usapang pangkapayapaan sa NDF.

Bukod sa mga insidente sa North Cotabato at Palawan, umatake rin ang NPA sa Gumaca, Quezon kung saan nagsunog sila ng mga construction equipment; pagpatay sa isang pulis sa Bukidnon; pagpapasabog ng landmine sa Quirino province na nagresulta sa pagkasugat ng anim na sundalo at pag-atake at pagsira ng ilang plantasyon sa Surigao del Sur.

At isang araw matapos ianunsiyo ni President Rody ang kanselasyon ng peace talks sa NDF, umatake ang mga NPA sa Guilhulngan City sa Negros Occidental na nagresulta sa pagkamatay ng isang sibilyan at anim na pulis kabilang na ang chief of police ng Guihulngan City na si Supt. Arnel Arpon.

Kabilang sa mga napatay sa ambush sa Barangay Magsaysay, Guilhulngan City sina SPO2 Mecasio Tabilon, SPO1 Jesael Ancheta, PO2 Alvin Paul Bulandres, PO2 Alfredo Dunque at SPO2 Chavic Agosto. Sugatan naman ang tatlong pulis na sina SPO4 Jerome Delara, PO2 Jorie Maribao, PO3 Jordan Balderas at dalawang iba pa.

Walang duda na napuno na rin si President Rody sa pagiging doble-kara ng NDF at ng Communist Party of the Philippines na siyang may kontrol sa NPA bilang armadong grupo nito.

Sa pagbisita ni Duterte sa mga sundalo sa Marawi City, inutusan niya ang mga ito na pagkatapos maubos ang tero­ristang grupo ng Maute, isusunod naman ng Armed Forces ang mga NPA na tinatayang may 4,000 armado na nakakalat sa buong kapuluan.

“After you finish here, after you decimate the fools there, we will reorient. It’ll be the NPA next. Because they already owe us a lot. I no longer want to talk with them. They killed many of my soldiers and police, even those who just went to the market,” pahayag ni Duterte.

Kaya nga kung babalikan natin ang Twitter comment ni Senador Honasan, pagdududahan mo talaga ang sinseridad ng CPP-NDF sa prosesong pangkapayapaan dahil habang nakikipag-usap sila ng kapayapaan ay patuloy ang pag-atake ng NPA sa mga pulis at sundalo.

Tama si Honasan. Lokohan ang peace talks sa CPP-NDF dahil gobyernong Duterte lang ang nagpakita ng sinseridad sa usapang pangkapayapaan.