Una sa Balita

OUT OF ORDER: Lalong nabaon ang BOC sa shabu smuggling

By
0 86

Lalong nabaon ang Bureau of Customs (BOC) sa shabu smuggling sa bansa sa ginawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon kung saan nabunyag na ang Taiwanese national na impormante umano ng shabu shipment ay siya ring importer ng ilegal na droga mula sa China.

Lumabas kahapon sa Senate hearing na si Richard Tan (a.k.a. Chen Ju Long) ang importer ng shabu na nagkakahalaga ng P6.5 bilyon na nasakote ng BOC sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Si Richard Tan ang may-ari ng Hongfei Logistics Company na siyang consolidator na nagpadala ng shabu mula sa China na nakaipit sa limang bakal na printing cylinder na kayang maglaman ng 100 kilos ng shabu. 

Isa pang Taiwanese national na si Kenneth Dong ang nagsilbing middleman ni Tan at kumontak kay Marco Ruben Taguba na isang licensed Customs broker na may kontak kay Teejay Marcellana na isang accredited importer ng BOC. 

Si Taguba rin ang kumonek sa EMT Trading na pag-aari ni Eileen Mae Agustino Tatad na siyang tumayong consignee ng shipment ni Tan. “Consignee-for-hire” ang EMT Trading, ayon kay Taguba, na ibig sabihin ay ginamit lang ang kumpanya para pumirma sa mga papeles sa pangalan ni Tatad.

Single proprietorship lang ang EMT Trading pero nakakapagtaka na umaabot na sa 848 ang mga shipments na nakapangalan dito na dumaan sa Green Lane kabilang na ang shabu shipment na na-recover sa Valenzuela City.

Suspendido na at under investigation ng BOC ang hepe ng ng Risk Management Office (RMO) na si Atty. Lambert Hilario dahil siya ang may tanging access sa computer na nagsasabi kung anong mga shipments ang ilalagay sa Green Lane na ang ibig sabihin ay wala nang bukasan at walang X-ray machine na dinadaanan.

Sinasabing si Hilario ang “missing link” ni Richard Tan sa BOC para matiyak na walang aberyang mangyayari sa kanyang mga shipment kabilang na ang P605 bilyong halaga ng ilegal na droga.

May impormasyon ding ibinigay ang may-ari ng warehouse sa Valenzuela City si Emily Anoche at kanyang ibinunyag na ang kanilang warehouse ay inupahan nina Ching Ki Men at Juo Ming Jun na mga Chinese nationals.

Pero ang nakakaduda rito ay ang mga Chinese Custom officials na nagbigay ng impormasyon sa BOC ang nagsabi rin kina Commissioner Nicanor Faeldon at Intelligence and Investigation chief Neil Anthony Estrella na huwag galawin si Richard Tan dahil siya ang impormante nila.

May ipinakita pang litrato si Richard Tan kasama si Commissioner Faeldon at Director Estrella nu’ng araw na inindorso ng Chinese customs authorities si Tan bilang impormante sa droga.

Matapos lumabas ang mga impormasyon na ito, maibulalas ni Senador Panfilo Lacson na hindi kaya nilalaro lang ng China ang BOC at ang sinasabing “controlled delivery” na P605 bil­yon na shabu ay dibersyon lang sa mas malaking shipment na kasabay ng nahuling shabu sa Valenzuela City noong Mayo 25.

Walang duda na mas malalim pala ang istorya sa P605 bil­yon shabu na nakuha sa Valenzuela City at lumalabas na may malalaking tao sa BOC na nasa likod nito pero mas malaki ang dapat ipaliwanag ng Chinese Customs authorities hinggil kay Richard Tan at shabu shipment.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy