Una sa Balita

OUT OF ORDER: Kuratong Baleleng

By
0 9

‘Kuratong Baleleng’ ang tawag sa anti-communist para-military group sa Misamis Occidental na pinondohan at inarmasan ng Armed Forces of the Philippines noong 1986 at pinamunuan ni Octavio ‘Ongkoy’ Parojinog Sr.

Naging matagumpay ang Kuratong Baleleng ni Ongkoy Parojinog sa paglaban sa New People’s Army at Communist Party of the Philippines at mula noon ay hindi na muling nakapasok ang CPP-NPA sa Misamis Occidental at sa buong Western Mindanao.

Nang maubos na ang NPA, hindi agad binawi ng AFP ang mga ibinigay na armas sa Kuratong Baleleng kung kaya ginamit nila ang kanilang mga baril sa mga ilegal na aktibidad gaya ng robbery, kidnapping at extortion sa mala­laking negosyante.

Sa kabila ng ilegal na gawain ay popular pa rin si Ongkoy Parojinog sa Misamis Occidental partikular sa mga ba­yan ng Ozamiz at Lawis dahil nagmumudmod ito ng pera sa mga mahihirap na residente rito gaya ng ginagawa ng ala­mat na si Robin Hood.

Taong 1988 nang pormal na buwagin ng AFP ang Kuratong Baleleng bilang para-military group pero hindi na nila nabawi ang mga matataas na kalibre ng baril na na-isyu kay Ongkoy Parojinog. Dahil dito ay naging target ng neutra­lisasyon si Ongkoy na naisakatuparan noong 1990 sa isang sabungan sa bayan ng Lawis.

Mabilis ang naging ganting-reaksyon ng Kuratong Baleleng sa mga militar na pumatay kay Ongkoy at nang uminit sila sa Misamis Occidental ay nagpulasan papuntang Metro Manila noong maagang bahagi ng dekada ‘90.

Sa Metro Manila naman naghasik ng lagim ang Kuratong Baleleng sa pamamagitan ng mga robbery-holdup sa mga bangko, money changer at armored van na may dalang pera. Halos kada linggo ay tumitira ng robbery ang Kuratong Baleleng at ilang sibilyan na rin ang napapatay sa proseso.

Natigil na lang ang mga bank robbery ng Kuratong Baleleng nang makasagupa nila ang pinag-isang puwersa ng Philippine National Police kabilang ang National Capital Region Police Office, Criminal Investigation and Detection Group, Traffic Management Group at Task Force Habagat ng Presidential Anti-Crime Commission na pinamumunuan noon ni Vice President Joseph Estrada.

Sa pagnanasang maging lehitimo ng mga Parojinog, pinasok nila ang pulitika at dahil na rin sa impluwensiya ng kanilang amang si Ongkoy ay madali para sa mga anak nito na maging mga konsehal sa Ozamiz City at kinalaunan ay naging ma­yor pa nga si Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog at ang anak niyang si Princess Nova Parojinog-Echavez ay naging vice mayor.

Hindi nakakapagtaka kung pati sa ilegal na droga ay luminya ang mga Parojinog lalo pa’t naging dating nobyo ni Princess Nova si Herbert Colanggo na convicted bank robber pero naging big-time drug dealer sa loob ng New Bilibid Prisons.

Ayon na rin kay Colanggo, umaabot sa P100 million ang benta sa shabu ng mga Parojinog at nang natigil ito ay nagplano umano si Mayor Aldong na ipapatay si Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Director-General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Bukas na lihim sa hanay ng AFP at PNP na may mga protektor na militar at pulis ang mga Parojinog kung kaya pa­tuloy nilang naisasagawa ang kanilang mga ilegal na aktibidad na siyang pinagkukunan nila ng pera para gamitin sa pulitika.

Kaya nga nang ma-assign si Chief Insp. Jovie Espenido bilang chief of police ng Ozamiz City, agad siyang inalok ng pera ni Mayor Aldong at mismong si Vice Mayor Nova ay nagbigay ng motibo para ialok ang kanyang katawan sa opisyal kapalit ng proteksyon sa kanilang pamilya.

Karmang matatawag ang pagkamatay ni Aldong at 10 iba pa noong Hulyo 30 sa isinagawang raid ng grupo ni Espenido bilang bahagi ng kampanya ng PNP laban sa iligal na droga.

Gaya ng nangyari sa kanyang amang si Ongkoy at kapatid na si Renato na parehong napatay dahil sa kanilang aktibidad sa Kuratong Baleleng, namatay din sa baril si Aldong na nagpapatotoo sa kasabihang: “Ang nabubuhay sa baril, sa baril din namamatay.”