Una sa Balita

OUT OF ORDER: Hinaing ng mga guro sa Araw ng Paggawa

By
0 20

Isinusulong ngayon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang national minimum wage na P750 kada araw para sa mga empleyado ng pribadong sektor at P16,000 na buwanang sahod para naman sa mga empleyado ng gobyerno.

Iginigiit din nina ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at France Castro na hindi nakakatulong sa mga guro sa pampublikong paaralan ang Performance-Based Incentive System (PBIS) at Strategic Performance Management System dahil ang mga ito ang nagpapababa sa antas ng kanilang sahod.

“We urge the Duterte administration to scrap the two-tiered wage system in the private sector and Performance-Based Incentive System (PBIS), Strategic Performance Management System, and similar schemes in the public sector, which both serve to suppress wage levels and ­impose additional burdens on workers and employees,”­ pahayag nina Tinio at Castro sa isang pulong balitaan ­kahapon sa Quezon City.

Kung ang ACT partylist ang tatanungin, ang kailangan ng sektor ng edukasyon ay pagkakaroon ng P25,000 minimum na sahod para sa entry-level teaching position sa mga public schools at P16,000 naman para sa non-teaching staff.

Para sa mga faculty ng state universities and colleges (SUCs), isinusulong naman ng ACT partylist ang entry-level na P27,000 monthly minimum wage para matugunan lang ang mga batayang pangangailangan ng mga guro sa SUCs.

Naniniwala ang ACT na dapat na ibasura ng administrasyong Duterte ang Performance Based Bonus, Results-based Performance Management System at PBIS dahil sa saligan ay mapanghati ang iskemang ito at maliit na bilang lamang ang nakikinabang sa insentibo.

Kasabay ng pagbabasura sa “compensation based on work performance”, dapat lang itaas ng pamahalaan ang national minimum wage sa P750 kada raw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P16,000 na buwanang sahod para naman sa mga manggagawa sa pampublikong sektor.

May katwiran ang ACT partylist na isulong ang wage hike ngayong Araw ng Paggawa dahil ito ang pangunahing ­issue ng taumbayan base na rin sa March 2017 Ulat ng Bayan ­survey ng Pulse Asia.

Bukod sa pagtataas sa minimum wage, nangunguna rin sa mga batayang isyu na dapat bigyang pansin ng pamahalaan ang paglikha ng mga trabaho at ang pagpapababa sa implasyon.­

“We find it alarming that the current administration’s ­legislative agenda, as announced in its Philippine Development Plan 2017-2022, does not include salary increases for public and private sector workers, and instead only plans to pass a productivity incentives bill for the private sector,” ayon pa sa ACT partylist.

Mas pabor talaga para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan ang pagkakaroon ng wage hike dahil mas kongkreto nila itong nahahawakan at nagagamit para tustusan ang kanilang mga batayang pangangailangan.

Ang problema nga lang ay palaging may kaakibat na pagtaas sa tantos ng implasyon ang ano mang wage hike kaya ­palaging sinasabi ng mga labor groups na palaging may ­“erosion” o pagbaba ang tunay na halaga ng suweldo dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

At sigurado akong mismong ang mga pinakamahusay na ekonomista ng pamahalaan ay hindi mababalanse ang kaakibat na pagtaas ng inflation rate sa kada pagtaas ng sahod ng manggagawa kabilang na ang mga guro sa pampublikong paaralan.