Una sa Balita

OUT OF ORDER: Dapat ipatupad ang lahat ng batas trapiko sa bansa 

By
0 56

Kahapon muling ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act (ADDA) matapos maglabas ng mas malinaw na guidelines ng Land Transportation Office (LTO).

Mananatili ang no-contact ­apprehension policy sa mga lalabag sa ADDA at ang magiging basehan ng mga traffic enforcers sa mga violation ay ang mga CCTV camera na nakakalat sa kahabaan ng EDSA partikular sa lugar na may traffic light at may mga likuan. 

Hindi ko lang alam kung no-contact apprehension din ang gagawin ng mga local traffic bureaus ng mga local government units (LGUs). Kabilang din ang mga kawani ng LTO at Land Transportation and Franchi­sing Regulatory Board (LTFRB) sa magpapatupad ng ADDA sa buong bansa.

Base sa probisyon ng ADDA, pinagbabawal sa mga moto­rista ang paggamit ng mga cellular phones at iba pang electronic entertainment at computing gadgets habang nagmamaneho ng kanilang sasakyan sa kalsada at kahit pa sandaling nakahimpil ang mga ito sa traffic lights.

Sinadyang mataas ang multa sa mga mahuhuling lumalabag sa naturang batas para magdalawang isip ang mga motorista sa paglabag sa ADDA. Ang unang offense ay pagmumultahin ng P5,000; second offense – P10,000; third offense – P15,000 at three-month suspension ng driver’s license. Ang hihigit sa 3rd offense ay pagmumultahin ng P20,000 bukod pa sa revocation ng driver’s license.

Sang-ayon tayo sa mataas na multa sa mga violator ng ADDA para matakot ang mga motorista at hindi na gumamit ng cellphone habang nagmamaneho para makaiwas din sa mga aksidente gaya ng pagkabangga o pagkasagasa ng mga pedestrian.

Sakop ng Anti-Distracted Driving Act ang lahat ng uri ng sasakyan na may apat, tatlo at dalawang gulong kabilang na ang mga kalesa at iba pang uri ng karwahe na hinihila ng mga hayop sa mga kalsada at highway sa buong kapuluan.

Ibig sabihin, lahat ng driver ng mga nabanggit na sasakyan ay bawal gumamit ng kanilang cellphone sa pamamagitan ng pagtawag o pagsagot ng mga incoming calls o ‘di kaya ay magpadala at tumanggap ng mga text messages.

Bawal na ring gamitin sa mga sasakyan ang mga cellphone na gumagamit ng mga applications gaya ng Waze at iba pang uri ng apps kabilang na ang mga driver ng mga popular na Uber at Grab. Bawal din ang maglaro ng games, mag-internet at manood ng mga pelikula sa Android phones o tablets. Pinapayagan naman ng ADDA ang paggamit ng mga hands-free devices gaya ng microphones at earphones dahil hindi ito nakakasagabal sa pagmamaneho lalo na kung mabilis ang takbo sa mga expressway.

Pero maliban sa ADDA, dapat bigyang pansin ng LTO, LTFRB at MMDA ang mga patuloy na paglabag sa batas trapiko ng mga driver ng jeepney at tricycle partikular ang pagbiyahe sa gabi nang walang mga headlight pati na mga brake light at ilaw sa likuran ng sasakyan.

Ilang beses na ring nagkaroon ng aksidenteng kinasasangkutan ng mga jeepney at tricycle na hindi nakita ng kasalubong na motorista o ‘di kaya ay hindi nakitang nakasunod at umo-overtake dahil walang headlight.

Panahon na para magkaroon ng disiplina ang mga motorista sa mga kalsada sa bansa at dapat ipatupad ang lahat ng batas trapiko ng mga ahensya ng pamahalaan at hindi lang ang bagong batas na ADDA.