OUT OF ORDER: Box-office hit ang birthday celebration ni Mayor Erap

By

Ipinagdiwang ni dating ­Pangulo at ngayo’y Manila Mayor­ Joseph ‘Erap’ Estrada ang kanyang ika-80 kaarawan sa Manila Hotel noong Abril 19 at masasabing box-office hit ang kanyang birthday bash ­dahil sa dami ng kanyang mga ­bisita na pina­ngunahan ni ­Pangulong Rodrigo­ Duterte.

Sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng Edsa 2, nakasama ni Erap sa iisang mesa sina President Rody, dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, dating Speaker Jose de Venecia, dating Vice President Jejomar Binay at dating Unang Ginang at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos.

Nasa kabilang mesa rin si dating Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson na siyang responsable sa pagpapabagsak sa administrasyong Estrada noong 2001 at si dating First Gentleman Mike Arroyo na nanguna rin noon sa kampanya na patalsikin si Erap para pumalit ang kanyang asawa na noo’y bise presidente.

Likas na mapagpatawad si Erap kaya masasabing reconciliation din ang kanyang 80th birthday celebration kung kaya nakipaghatian siya ng tinapay sa kanyang mga dating katunggali sa pulitika kagaya nina JDV at GMA.

Makabagbag-damdamin naman ang musical number na ­ipinamalas ng mga anak ni Erap sa pangunguna ni dating ­Senador Jinggoy Estrada na bukod sa solo number ay pina­ngunahan din ang song and dance ng kanyang mga kapatid at inakbayan pa niya si Senador JV Ejercito sa simula ng kanilang kanta.

Hindi na nga lang natapos ni Senador Jinggoy ang kabuuan ng birthday party ng kanyang amang si Erap dahil hanggang 11 ng gabi lang ang ibinigay sa kanyang palugit ng Sandiganbayan. Kahit nga nagsasalita pa si Pangulong Duterte ay kinailangan na niyang magpaalam para bumalik sa kanyang selda sa Custodial Center sa Camp Crame.

Marami ring mga artista ang dumalo sa kaarawan ni Erap sa pangununa ng kanyang paboritong leading lady at presidente ng Movie Workers Welfare Fund (Mowelfund) na si Boots Anson Roa na naging program emcee kasama si Edu Man­zano.

Ang batikang actor-director na si Eddie Garcia ang natokahang magbigay ng maikling pananalita hinggil kay Erap ­bilang isang aktor, producer at pagiging mapagkalinga sa kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula kung kaya niya itinatag ang Mowelfund noong 1974.

Mahigit isang dekada ring pinamunuan ni Erap ang ­Mowelfund at kabilang sa kanyang mga naging programa ang pagtatayo ng Mowelfund Film Institute na nagsisilbing paaralan ng mga manggagawa sa pelikula sa aspeto man ng sining o sa siyensiya.

Sa ilalim ng pamumuno ni Erap nasimulan ang taunang “intensive film-making workshop” kung saan kabilang sa mga pinag-aaralan ang Scriptwriting, Acting, Directing, Cinematography, Editing, Production Design, Production Management, Musical Scoring, Sound Design at Special Makeup and Prosthetics.


Ngayong 2017, ang Mowelfund Intensive Film Making Workshop ay magsisimula sa Mayo 3 hanggang Hunyo 2. Lunes hanggang Sabado ang lecture schedules na mula 1 p.m. hanggang 6 p.m. Si Direk Edgardo ‘Boy’ Vinarao na isa ring batikang film editor ang kasalukuyang program director ng Mowelfund Film Institute.

Pagkatapos ng intensive lecture/workshop ay may dalawang buwan na ilalaan para gumawa ng isang short film ang mga participants na siyang magsisilbing thesis ng mga estudyante bago nila matanggap ang certificate of completion sa kanilang graduation day.

Para sa mga interesado sa intensive film-making workshop, puwede kayong magsadya sa Mowelfund Plaza sa No. 66 Rosario Drive, Quezon City. Maaari rin kayong tumawag sa program coordinator na si Edwin Joaquin sa numerong 7271961 at sa kanyang e-mail address – edjoaquin@hotmail.com.

SHARE