Una sa Balita

OUT OF ORDER: Araw ng Kalayaan

By
0 11

Ginugunita ngayong araw na ito ang ika-119 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan na ­unang iprinoklama ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang ating independensiya mula sa mga Kolon­yalistang Espanyol noong Hunyo 12, 1898.

Unang pangulo ng Republika ng Pilipinas si Aguinaldo pero hindi nagtagal ang kanyang gobyerno dahil sa pagsiklab ng digmaan laban sa mga imperya­listang Amerikano ay hindi kinaya ng mga sundalong Pilipino na talunin ang mga tropa ng Estados Unidos na gamit ang mo­dernong mga armas.

Nagkamali si Aguinaldo sa kanyang ibinigay na pagtitiwala sa mga Amerikano na unang nagsabi sa kanya na walang interes ang Estados Unidos na sakupin ang Pilipinas.

Kaya nga hindi rin nilusob ng mga puwersa ni Aguinaldo ang Intramuros ayon na rin sa kagustuhan ng mga Amerikano.

Huli na nang mapagtanto ni Aguinaldo na siya ay napag­lalangan at nang sumiklab ang Filipino-American war noong 1899 ay depensiba ang naging moda ng paglaban ng mga tropang Pilipino habang umaatras si Aguinaldo patungong Norte.

Sa kanyang punong himpilan sa Palanan, Isabala nagdeklara si Aguinaldo ng malawakang opensiba laban sa mga sundalong Amerikano noong Hunyo 1900.

Pero nanatiling pakikidigmang gerilya ang pangunahing porma ng paglaban ng mga sundalo ng Republika.

At kahit nahuli na ng mga Amerikano si Aguinaldo ay nagpatuloy ang pakikidigmang gerilya sa Norte sa pangu­nguna ni Heneral Manuel Tinio na siyang nagpatupad ng naunang atas ng Pangulo na pangkalahatang opensiba laban sa mga sundalong Amerikano.

Pormal na nagtapos ang digmaang Pilipino-Amerikano sa pagsuko ni Heneral Miguel Malvar ng Batangas at sa proklamasyon ng gobernador-heneral ng Estados Unidos, lahat ng mga natitirang insurekto ay bibigyan ng amnestiya hanggang Disyembre 1902.

Ang mga nagpatuloy sa paglaban sa mga Amerikano nang lampas sa 1902 ay itinuring na mga bandolero o tulisan gaya nina Hene­ral Luciano San Miguel at Heneral Julian Montalan ng Cavite at Macario Sacay naging pangulo ng Republika ng Katagalugan.

Nakakalungkot ding isipin na pinalitan din ng mga Amerikano ang petsa ng Araw ng Kalayaan na Hunyo 12 patungong Hulyo 4 bilang bahagi ng pinairal na rebisyunismo at para burahin ang kagitingan ng mga Pilipino sa pag­laban sa mga Kastila at sa mga Amerikano.

Dapat lang na balikan ang mga pangyayari sa Filipino-American war 1899-1902 lalo na ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino at ang mga pagmamalabis at pang-aabuso ng mga Amerikano sa kanilang Pacification Campaign ng buong Pilipinas.

Si Pangulong Rodrigo Duterte marahil ang unang pa­ngulo ng Republika na naglabas ng mga pag-masaker sa mga Moro ng mga Amerikano partikular ang insidente sa Bud Dajo sa Mindanao kung saan naganap ang pinakamadugong yugto ng paglaban ng mga Moro sa Amerikano.

Panahon na rin para ituro sa mga paaralang elementarya at hayskul ang paglaban ng mga Pilipino sa mga Amerikano pagkatapos ng 1902 para makita sa kasaysayan na hindi natin tagapagligtas ang mga Amerikano kundi mga mananakop dahil sa kanilang imperyalistang interes sa Pilipinas.