Una sa Balita

OUT OF ORDER: Anti-imperyalismong US at anti-oligarkiya ng administrasyong Duterte

By
0 10

Kung meron mang kapansin-pansin sa unang taon ng administrasyon ni Pangulong Duterte, ito ay ang kanyang matibay na paninindigan laban sa imperyalismong Estados Unidos at mga oligarkiya partikular sa mga may-ari ng ABS-CBN at Philippine Daily Inquirer.

Si President Rody na siguro ang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas na nagpahayag ng pagputol sa mahigpit na relasyon sa Estados Unidos hindi lang as aspektong militar kung ‘di maging sa ekonomiya.

Malalim ang hugot ni Duterte sa kanyang pagiging anti-US imperia­lism at ilang ulit niya ring pinaalala sa kanyang mga talumpati ang mga ginawang pang-aabuso ng mga sundalong Amerikano mula nang sakupin nito ang Pilipinas ayon sa tinatadhana ng Treaty of Paris noong 1898.

Partikular na binanatan niya ang Estados Unidos sa ginawa nitong pag-masaker sa mga Moro sa Bud Dajo sa Sulu noong 1906 kung saan 600 mandirigmang Moro kabilang na ang kanilang mga asawa at anak ang pinatay ng mga Amerikano.

Setyembre 2016 nang ihayag ito ni Duterte bilang reaksyon sa pagtuligsa ni US President Barrack Obama sa anti-drug war ng Philippine National Police na nagresulta sa pagkamatay ng maraming mga drug suspects na sinasabing mga kaso ng extra judicial-killings o EJK.

Pahayag ni Duterte: “Who is he? (Obama) When as a matter of fact at the turn of the century, before the Americans left, the Philippines, in the pacification campaign of the Moro in this island, there were around 6 million ang population ng Moro, how many died? Six hundred. If you can answer this question and give an apology, I will answer him.”

Maliban sa pagiging anti-US imperialism ni Duterte, ma­tindi rin ang banat ni Duterte sa mga oligarchs kung saan ang naging pokus ng kanyang atake ay ang may-ari ng ABS-CBN na si Gabby Lopez at ang may-ari ng Philippine Daily Inquirer na mga Prieto at Rufino.

Related Posts

Ilang beses ding minura ni Duterte ang ABS-CBN dahil sa hindi nito pagsasa-ere ng kanyang TV advertisement noong presidential campaign sa kabila ng pagbabayad ng kanyang kampo ng halos 2 milyong piso.

Para kay Duterte, maliwanag na estafa ang ginawa ng ABS-CBN dahil hindi nito ibinalik ang ibinayad nila para sa TV advertisement na sagot sa mga paratang ni Senador Antonio Trillanes IV na tumatakbo noon sa pagka-bise presidente.

Sa kaso naman ng Inquirer, hindi makalimutan ni Duterte ang mga serye ng banner-headlines ng pahayagan na naglalayong sirain ang kanyang pagkatao para biguin ang kanyang pagkandidato sa panguluhan.

Kaya nga nang maging presidente si Duterte ay hindi niya tinigilan ang pagbanat sa mga Prieto at Rufino lalu pa’t may tax evasion case, sa halagang P1.6 billion, ang Golden Donuts Inc. na pag-aari ng naturang pamilya.

Determinado rin si Duterte na bawiin sa mga Prieto at Rufino ang Mile Long property na pag-aari ng gobyerno pero matagal nang pinagkakakitaan ng may-ari ng Inquirer na mula sa mga rental ng mga establishimentong nakatayo sa 2.9 ektaryang lupa.

Sa katunayan ay may dati nang kaso na isinampa ang gobyerno laban sa Sunvar Realty Development Corp. na pag-aari ng mga Prieto at Rufino at ito ay may kinalaman sa pagbabayad ng back rentals sa halagang P478.2 million hanggang Mayo 2015 at buwanang rental na nagkakahalaga ng P3.2 million mula Hunyo 2015.

Si Duterte lang ang may lakas ng loob na banggain ang Estados Unidos at mga oligarkiya sa bansa at nagawa niya ito sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang ika-16 pangulo ng Republika.