Oral argument sa De lima case, itutuloy ngayong araw

By

Ipagpapatuloy ngayong araw ang oral argument ng Supreme Court sa petisyong inihain ni Senador Leila de Lima kaugnayan sa kanyang kasong Bilibid drug trade.

Unang isasalang sa pagtatanong ng mga mahistrado ang abogado ni De Lima na si dating Solicitor General Florin Hilbay.

Pagkatapos ng interpelasyon kay Hilbay, sunod na magbibigay ng argumento ang prosekusyon sa pangunguna ni Solicitor General Jose Calida.

Muling hihimayin ng mga mahistrado ng SC kung pagbibigyan ang hiling ni De Lima na ibasura ang kasong nakasampa sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204.

Una nang iginiit ni Associate Justice Presbitero Velasco noong unang salang sa oral argument na premature o masyadong maaga ang pagdulog ni De Lima sa Korte Suprema dahil nakabinbin pa ang kanyang motion to quash sa Muntinlupa RTC.

Inaasahang tatalakayin mamaya ang ligalidad ng pagsasampa ng kaso sa korte laban kay De Lima na isang senadora, base sa itinatadhana ng Section 90 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at ang Section 2 ng RA 10660 na nag-aamyenda sa lumang Sandiganbayan Law.

Giit ng abogado ni De Lima, maaaring sampahan ng kaso patungkol sa droga ang isang opisyal ng gobyerno kung may direktang partisipasyon sa iligal na droga.

Pero sa kaso umano ng senadora, inaakusahan lamang ito bilang protektor ng drug trade sa Bilibid at pinagbibintangang tumatanggap ng drug money, kaya dapat sa Sandiganbayan umano inakyat ang kaso at hindi sa Muntinlupa RTC.

SHARE