Una sa Balita

Oportunidad at trabaho para sa mga PWD

0 444

Pagkilala at pagpupugay po sa mga kababayan nating person with disability (PWD) sa pagdiriwang ng 41st National Disability Prevention and Rehabilitation Week na ating gugunitain sa buong linggo ng Hulyo 17-23, 2019.

Tulad po ng karamihan sa atin, ang mga PWD ay patuloy na nakikibaka sa buhay upang maitaguyod ang sarili at pamilya sa kabila ng mga balakid sa buhay na hinaharap sa araw-araw.

Tayo po ay nagsumikap at tumulong upang maisabatas ang RA 11106 o ang ‘Filipino Sign Language (FSL) Act’ na nilagdaan po ng ating pangulo noong Oktubre 30, 2018.

Isinasaad po ng natu­rang batas ang FSL bilang pambansang sign language ng Filipino deaf at opisyal na sign language sa lahat ng transaksyon ng gobyernong may kinalaman sa mga deaf-mute at ang paggamit nito sa mga paaralan, broadcast media, at workplaces.

Sa pagbubukas po ng 18th Congress, isusulong naman po natin ang ‘Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act (IDEA)’. Layunin po ng panukalang batas na ito ang mabigyan ng patas na turing at pagkakataon sa edukasyon at sa buhay ang mga children and youth with special needs.

Bahagi po ng patas na turing at pagkakataon sa buhay ang patas na pagkakataon sa trabaho. Daan patungo rito ang patas na edukasyon at ang pagwawaksi sa lahat ng uri ng diskriminasyon sa trabaho.

Pinag-aaralan din po natin kung paano pala­lakasin at pagtitibayin ang RA 7277 o ‘Magna Carta for Disabled Persons’ na naisabatas noon pang Marso 24, 1992. Nais po nating pagtuunan ng pansin ang nakasaad sa Section 5 na dapat 5% ng lahat ng mga manggagawa sa piling mga ahensya ay dapat ilaan sa mga PWD. Hindi naman po mahirap mapansing hindi pa lubos na naisasakatuparan ang mga probisyong ito ng batas.

Nasabi nga po noon ng dating Pangulong Ramon Magsaysay na, “Those who have less in life should have more in law.” Hindi po sinasabing ‘less in life’ ang pagiging differently able o PWD. Ang nais ko pong tumbukin ay huwag naman po sanang sa halip na mabigyan ng patas na turing at pagkakataon sa edukasyon, trabaho, at buhay, ay madalas silang nagiging biktima pa ng pang-aabuso at diskriminasyon.

Related Posts

Kaya nananawagan po tayo sa ating mga business establishment na igalang ang mga diskuwento para sa mga kababayan nating PWD ayon sa tinatadhana ng ating mga batas.

Muli po, pagkilala at pagpupugay sa mga kababayan nating person with disability.

Job Fair Schedule :

PWD Local Job Fair— SM City Activity Center Naga City, Camarines Sur—Hulyo 15

T’nalak Job Fair KCC— Mall of Marbel, Gensan Drive Koronadal City—Hulyo 17

Banak Festival Job Fair—Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal—Hulyo 19

(joelvillanueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy