Una sa Balita

Opisyal na nanakit sa 3 pulis sinibak

0 630

SINIBAK kahapon sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar ang isang opisyal na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) na nanakit ng tatlong bagitong pulis sa kalagitnaan ng Traslacion ng Itim na Nazareno noong nakalipas na Miyerkoles sa Maynila.

Si Gandara Police Community Precinct (PCP) Commander Chief Inspector Alden Panganiban ng MPD Station 11 ay inireklamo ng tatlong tauhan ng NCRPO matapos nitong saktan sa pamamagitan ng pagpalo ng batuta sa kanilang katawan habang ang mga ito ay nagpapatupad ng kanilang tungkulin sa nagaganap na Traslacion sa na­sabing lungsod.

Nabatid sa reklamo ng mga roo­kie cop sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit at Regional Support Unit ng NCRPO na pinagpapalo umano sila ng kahoy ni Panganiban dahil hindi nila nakontrol ang gulo ng mga tao sa kasagsagan ng prusisyon.

Nagalit din umano ang opisyal matapos hindi masunod ang ilang utos nito.
Sinabi naman ni Eleazar na sa nga­yon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa ginawang pananakit ni Panganiban.

Aniya, sakaling mapatunayan na lumabag o nagmatigas ang mga bagitong pulis kaya sila nasaktan ay masususpinde rin sila at mahaharap sa disobedience at insubordination.

“Sa ngayon po ay on-going po ang imbestigasyon dito sa sinasabing pa­nanakit ng isang opisyal sa tatlong pulis kaya’t agad ko po inatasan na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa naganap na insidente,” ani Guillermo. (Armida Rico)