Una sa Balita

Opisina nilooban; pera at alahas nilimas

By
0 973

Pinasok ng dalawang kawatan ang bahay ng isang negosyante kung saan tinangay ng mga ito ang pera, alahas at mahalagang dokumento ng huli na umaabot sa halagang P350,000 sa Valenzuela City noong Linggo.

Pasado alas-10:00 ng gabi nang madiskubre ni Gilbert Rivera, 43 ng No. 104 Gulod Street, Barangay Bignay ng lungsod na ninakawan na ang kanyang tanggapan sa Monte Ricardo Builders Office na matatagpuan sa No. 1 Yardly Street, Phase 3, Barangay Punturin.

“Pagtingin ko sa pintuan bahagyang naka-uwang na ‘yung sliding door, kaya kinabahan ako na baka may nakapasok,” ani Rivera.

Pagpasok ng negosyante, napansin niya na makalat na ang opisina at bukas na ang mga lock ng lamesa.

Dito na nalaman ni Rivera na wala na ang kanyang Rado watch na nagkakahalaga ng P70,000, gold bracelet na P60,000, gold necklace na ang presyo ay P140,000, limang titulo ng lupa at cash na P80,000.

Sa panayam kina PO3 Laude Pillejera at PO3 Bernardo Diego ng Station Investigation Unit (SIU), sa aircon sa bintana dumaan ang mga magnanakaw.

May iniwan pang patalim ang mga magnanakaw na ipinatong sa mesa bago tuluyang tumakas.

Walang closed circuit television camera (CCTV) sa lugar, kaya hirap ang mga pulis na matukoy kung sino ang mga suspek.