Una sa Balita

Operasyon vs brgy. captain sa Nueva Ecija walang kinalaman kay Fr. Nilo

By
0 1,130

Mariing itinanggi kahapon ng pamunuan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) na may kaugnayan sa pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo ang isinagawang operasyon kontra sa isang barangay captain sa San Antonio, Nueva Ecija at iba pa kamakalawa.

Ayon kay P/Sr. Supt. Eliseo Tanding, NE police director, walang kaugnayan ang ginawang pagpapatupad ng search warrant laban kay Brgy. Captain Roberto Carpio ng Luyos, San Antonio, sa tinututukang pagpatay kay Fr. Nilo na tubong San Antonio.

“Walang kaugnayan yung pagserve ng SW, maling mali yung balita na iyan” mariing pahayag ni Tanding.

Lumabas noong Biyernes sa report ng isang Metro Manila based radio/TV station na mayroon umanong dalawang barangay captain na hinalughog ang mga bahay at iniuugnay sa pagkamatay ng noo’y inililibing na pari, na ayon daw sa PNP.

“Pambihira yung ibinalita nila na yun. Di ba nilinaw pa naming yung search na yun ay dapat before pa ang Brgy at SK elections noong May 14, at noong Friday lang naisagawa” paglilinaw ni Tanding.

Maging si ‘SITG:Nilo’ commander P/Supt. Angel Bondoc ay nagulat sa nasabing report dahil ang konsentrasyon nila ay sa paghuli sa 5 iba pang suspek makaraang maaresto si Adell Roll Matias Milan ng Brgy. Malapit, San Isidro noong Huwebes nang gabi.

Si Milan ay isa umanong drug surrenderee sa San Isidro at miyembro umano ng gun for hire sa Nueva Ecija.

Kinumpirma rin ni Bondoc ang paghahain ng murder case kontra kay Milan at limang ‘John Does’ sa pagpatay kay Fr. Nilo.

Nagpahayag naman si Arsenio ‘Boy’ Evangelista, vice president ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), ng pagbati sa PNP sa pag-aresto kay Milan at umaasang hindi ito ‘fall guy’.