Una sa Balita

Operasyon pinilay ng mga empleyado, Philip-Fortune ni Lucio Tan naninibak ng walang abiso

0 3,219

Pinilay ng mga manggagawa ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp. (PMFTC) ang operasyon ng pabrika ng sigarilyo upang iprotesta ang iligal na pagtanggal sa mahigit 200 manggagawa.

Nagsimula ang strike noon pang Biyernes, Setyembre 28, ayon kay Rey Almendras, president ng Philip Morris Fortune Tobacco Labor Union.

Sinikap pang hilutin ng National Conci­liation and Mediation Board (NCMB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang welga nang pulungin ang mga kinatawan ng kompanya at unyon noong Lunes ng hapon sa harap ni conciliator Francis Gonzalo Jr.

“Nakiusap sila na ireset sa October 10 dahil wala pa daw yung mga big boss nila,” paliwanag ni Almendras sa Abante.
Apektado ng pag-aaklas ng mga manggagawa ang planta sa Marikina City, gayundin ang redrying plant sa Vigan, Ilocos Sur.

Ayon kay Jessica Ocampo, secretary-general ng unyon, higit 200 regular na emple­yado ang tinanggal sa trabaho noong Agosto 8,2018 nang walang abiso.

Bunsod nito, naghain ng reklamo ang unyon sa DOLE kasabay ng pagpa-file ng kanilang notice of strike noong Agosto 9, 2018.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nagbawas ng manggagawa ang kompan­ya ng walang notice sa unyon. Sa kanila tala, aabot na sa 900 empleyado ang iligal na tinanggal.

Nangangamba ang unyon na kung hindi sila kikilos, posibleng maubos ang mga re­gular na empleyado ng kompan­ya at malusaw ang kanilang unyon.

Ang PMFTC sa Marikina ang pinakamalaking planta ng sigarilyo sa Pilipinas na naitayo noon pang 1996 at pagmamay-ari ng bilyonaryong si Lucio Tan na umaakto bilang chairman ng kompanya.

Noong 2017, kumita ang kompanya ng P4.39 bilyon.