Una sa Balita

Online payment ng buwis sumipa

0 319

Halos dumoble ang mga buwis na binabayad online sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong nakaraaang taon kumpara sa 2018.

Sabi ng BIR kahapon, umabot sa P1.2 bilyon ang mga buwis na binayad na dumaan sa e-payment channels, mas mataas ng 92% kumpara sa P626.4 milyon na dumaan sa e-payment noong 2018. Nasa 446,753 na mga transaksyon ang gumamit ng e-payment noong 2019 kumpara sa 278,602 noong 2018.

Ang mga e-payment na channels na puwede sa BIR ay ang Union Bank Online Tax Payment Faci­lity gamit ang mga ATM o debit cards, ang PayMaya smartphone app, at ang PESONet fund transfer service.

Ayon sa Department of Finance (DOF), dumami ang gumamit ng e-payments noong 2019 nang ini­lunsad ng BIR ang PESONet noong August 15, 2019.

Sa PESONet, madaling makapagbabayad ng buwis ang mga tao kahit saan, kahit kailan. Inaasahan ng DOF na 15 milyong over-the-counter tax payments nito ay dadaan na sa PESONet, katumbas ng 80% ng mga tax payment transaction na pinoproseso ng BIR taon-taon.

Ayon kay Finance Undersecretary Antonette Tionko, makatitipid din ang BIR ng P230 milyon taon-taon sa transaction fees dahil mas mababa ang transaction fees ng mga bangko sa PESONet na nasa P25 lamang mula sa P40.(Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More