Una sa Balita

Ombagerong mister kulong sa droga

0 500

ARESTADO ang isang mister matapos bugbugin ang kanyang asawa kung saan minalas na mahulihan pa ito ng iligal na droga kamakalawa nang gabi sa Brgy. Pembo, Makati City.

Kasong Physical Injury at paglabag sa Republic Act 9165 ang isinampa laban sa nadakip na suspek na kinilalang si Vladimir Pauig, 38-anyos at nakatira sa Blk. 36 lot 5 Violeta St., nang nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong alas-nuwebe nang gabi nang maganap ang insidente nang magtungo sa tangapan ng Police Community Precinct (PCP)-9 ng Makati City Police si Lalyn Pauig y Sulinap, 35-anyos, maybahay ng suspect.

Batay sa reklamo ng biktima, dumating ang kanyang asawa na umano’y lasing nang bigla na lamang nagalit sa kanya at nanakit.

Sa kalagitnaan ng pambubugbog sa kanya ng suspek ay nagawa niyang makatakas ng bahay at nagtuloy agad sa tanggapan ng PCP-9 upang ipaaresto ang kanyang asawa.

Dahil sa reklamo ng ginang ay inaresto ng mga awtoridad ang suspek sa loob ng kanilang bahay at nang ito ay kanilang kapkapan ay nakuhanan ito ng isang pirasyong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Hindi naman masabi ng ginang na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang mister.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek sa nasabing himpilan ng pulisya habang inihahanda ang mga kaso sa kanya. (Armida Rico)