Una sa Balita

‘Omasenso’ para sa kabuhayan ng magsasakang Pinoy

0 342

Gaya ng lingguhan nating kuwentuhan tungkol sa mga proyekto ng Angat Buhay, ang programang Omasenso para sa Kabuhayan ay isa pang instrumentong ginagamit ng Office of the Vice President (OVP) para unti-unting matulungan ang ating mga kababayang umahon mula sa kahirapan. 

“Oma” sa Bicol ay farmer—ang progra­mang ito ay nakatutok sa mga magsasaka natin na isa sa pinakamahihirap sa bansa. 

Batid ni VP Leni Robredo na sila ang karaniwang nangungupahan ng sakahan, hindi sapat ang pagkain sa hapag-kainan, at salat sa buhay.

Kaya’t sa ating pagsisikap na sugpuin ang kahirapan sa ating bansa, mahalagang tutukan ang pagtulong sa kanila. Dito nagsimula ang proyektong Omasenso para sa Kabuhayan sa ilalim ng Angat Buhay program ni VP Leni. 

Kung naalala ninyo, una nating napagkuwentuhan ang proyektong ito dalawang buwan lang ang nakalilipas. 

‘Di gaya ng iba pang programa sa ilalim ng Angat Buhay, medyo bago ang Omasenso sa Kabuhayan. Produkto ito ng ilang taong pagbisita at diretsong pakikipag-usap namin sa taumbayan kung saan nakita natin ang mga problema ng ating mga magsasaka.

Kuwento ni Elmer Salazar na presidente ng isa sa mga farmer groups, “Noong una ang sistema wala kaming sure na pagdadalhan ng produkto. Wala talagang bintana ng oportunidad na mapagdadalhan ng mga produkto ang mga magsasaka.”

Kaya noong Enero, nagtipon-tipon ang mga kasali sa Omasenso sa Kabuhayan program at nagtungo sa isang study-tour program kasama si VP Leni. Kung maalala ninyo sa kuwentuhan natin, dito sumailalim sa training ang ating mga magsasaka para matuto hindi lang ng mga best practices tungkol sa organic farming. Tinuruan din sila kung paano nila maibebenta ng diretso ang kanilang mga produkto nang hindi dumadaan sa middle man. 

“Sa programang ito nakikita namin na itong produkto namin may pagdadalhan talaga kami—direkta sa market, sure buyer, malaki po ang tulong para sa amin,” dagdag ni Elmer. 

Mahalaga ang kaalamang ito dahil malaking problema para sa kanila ang paghanap sa bibili ng kanilang produkto. Ibig sabihin, pagkatapos ng lahat ng gastos at pagod sa pagtatanim, hindi pa rin sigurado kung may babalik na kita dahil walang siguradong merkado. 

Nitong nakaraang Linggo, sa unang pagkakataon, nagsama-sama ang lahat ng mga kinatawan ng mga farmers organization na mi­yembro ng Omasenso sa Kabuhayan, pati na mga representatives ng local government units at Department of Agriculture regional office. 

Nagkaroon ng isang general assembly kung saan pinag-usapan ang nalalapit na training sa tulong ng Angat Buhay partner na Rural Bank of Guinobatan. 

Sasailalim sa trai­ning ng 8-step clustering approach para sa agro-enterprise development ang mga miyembro ng Omasenso sa Kabuha­yan.

Dito tuturuan ang ating mga magsasaka hindi lang paano kumita bilang farmers, kung hindi bilang businessmen din. 

Kuwento ni Robert Bauyaban, isa sa mga delegates ng assembly, “Iyong mga farmer namin excited ngayon. Dati ang mga tanim namin, maghihintay lang kami kung magkano ang bili ng mga trader. Ngayon nagkaroon kami ng karapatan o ideya kung paano namin maibenta ng direkta. Ngayon iyong mga nalalagas sa daan papunta sa mga buyer, ay kinikita na po namin.”

Nakakataba ng puso marinig, ano? Lalo pa’t alam nating hindi lang basta bigay ang tulong—ito iyong tulong na kakayahan ang ibinahagi natin sa kanila. Sila mismo ang gumagawa ng paraan para mabago ang kanilang sitwasyon. 

At simula pa lang ito, marami pa tayong plano para matulungan ang ating mga magsasaka. Dahil sabi nga ni VP Leni, ”by linking farmers to the market and by teaching them the strategies large agriculture corporations use, they have a better chance of getting out of poverty.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy