Una sa Balita

Oktubre ng anihan

0 296

Oktubre, kadalasan ay panahon ng tag-ani mula noong nagsimula ang tag-ulan.

Laging hamon ang panahon na ito. Kung maraming tubig at walang peste o mala­kas na bagyong dumaan tiyak maganda ang ani.

Matagal na rin akong nagkakainteres sa buhay sa pagsasaka. Kung maaari lang ay gusto ko itong gawin, hindi lang bilang pang-retirement, na tulad ng ginagawa ng iba, kundi talagang buhay.

Ang nakakatuwa rito ay nakaangkla ang pananaw ng pagsasaka sa kalikasan at kung ano-ano pang mga pamahiin na naka-ugnay rito. Marahil dahil ito ay bahagi ng kalikasan. Ang ikot ay naaayon sa takbo ng panahon at sa kondisyon ng kalikasan.

Kakaibang kultura ang pagsasaka. Mabagal talaga ang buhay dahil matapos magtanim ay kailangang maghintay hanggang sa sumapit ang tag-ani. Paminsan-minsan ay kailangang binabantayan ang mga pananim dahil baka inuubos na ito ng mga peste habang lumalaki. Baka may banta ang panahon, dapat maagap sa paggawa ng mga paraan para ‘di masira ang mga pananim, mali­ban na lamang kung talagang malaking bagyo ang nagbabantang dumaan.

Nakakatuwa, dahil malakas din ang pag-asa sa Diyos. Na maging ang kahihinatnan ay ayon sa Kanyang kagustuhan. ‘Yan ang natutunan ko sa nasira kong tiyuhin na dating namamahala sa aming maliit na sinasaka. Kung kaya’t may mga pista ng pasasalamat sa mga kaloob na bunga at ibinabahagi ito sa buong bayan. Ito ay gina­gawa para masiguro na laging masagana ang ani at masiguro na may pagkain sa buong taon.

Bigla ko itong naalala at minabuting sulatin, dahil sa ako’y naanyayahang magsulat ng awitin tungkol sa pagsasaka. Tiyempo naman at noong isang linggo ay nasa kumperensya ako tungkol sa klima.

Malaking banta ang nakaamba sa buong mundo sa epekto ng nagbabagong klima.

Malaki ang banta nito sa segu­ridad ng pagkain, malaki ang banta nito sa kabuhayan ng mga tao. Malaki ang banta nito sa ating buhay. Hindi naman sa ako’y nagiging alarmist, kundi ‘yan ang katotohan. At nasa kamay na ng mga tao at gobyerno sa buong mundo kung paano ito pipigilan.

Maliban diyan sa klima ay ang kasalukuyang nilagdaang batas tungkol sa Rice Tariffication Act. Ang pagpasok ng mga imported na bigas sa mababang taripa at pagpasok ng mga private importers.

Umaalama ang mga magsasaka sa batas na ito dahil sila ay nalagay sa dehadong sitwasyon. Mapipilitang magtinda sa murang halaga ang mga magsasaka ng kanilang palay. Hirap na ngang lumaban sa mga bagyo at kung ano-ano pa, dinagdagan pa ng pagdagsa ng mga imported na bigas.

Paano naman makakalaban ang mga magsasaka sa mga mayayaman na importers? Ni hindi nga nila kailangang magtanim at maghintay ng anihan.

Ang isang dulot lang na mabuti ay may supply ng bigas sa merkado at hindi nakatago at nabubulok lang sa NFA.

Gayunpaman, sa dulo ng banta ng klima at ang bagong batas sa bigas, ang talo pa rin ang ay mga magsasaka. Kung saan sila pupulutin? ‘Yan ang ‘di ko na alam, dahil baka mawala na rin ang mga kangkungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy