Una sa Balita

Oiler ng barge hinampas ng alon, patay

By
0 239

WALA nang buhay nang lumutang sa break water ang isang 26-anyos na oiler na unang na­wala matapos hampasin­ ng malakas na alon ha­bang pabalik sa MB Kristen Marie III, kamakalawa nang tanghali sa Manila Bay sakop ng Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Ayon sa imbestigas­yon ni SPO3 Mario Asilo, ng Manila Police Distict-Homicide Section­, dakong alas-11:00 nang umaga kamakalawa nang lumutang ang bangkay ni RJ Masuecos, oiler sa Kristen Marie III Barge na pag-aari ng Terrestrial Sea-link Reliance Corporation at tubong-Iloilo.

Ayon kay Rocky Seminiano na kasamahan ng biktima, pabalik na umano sila ni Masuecos matapos kumain ng pananghalian sa Baseco market at naglalakad na sila sa break water papunta ng tanker na naka-dock sa Baseco pool nang hampasin ng malaking alon dahilan para matangay silang dalawa.

Sinabi ni Seminiano­ na nagawa niyang ma­kalangoy at makakapit sa sementadong ‘pavement’ pero hindi na niya nakita ang kasamahan.

Humingi umano siya ng tulong sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang biktima pero hindi nakita.

Kinabukasan, lumutang na ang bangkay ng biktima kung saan nakita na may dugong lumabas sa kanyang ilong.
Positibo namang kinilala ng kanyang mga kaanak ang biktima.