Una sa Balita

Oil tanker na-hijack sa highway

0 398

INAGAW ng hindi nakilalang mga hijacker ang isang oil tanker na nagkakahalagang P1.1 milyon at magdadala sana ng raw coco oil sa Maynila habang tumatahak sa highway sa Sariaya, Quezon Huwebes ng gabi.

Natunton naman­ ng mga pulis ang nawawalang tanker sa isang trucking compound sa Balayan, Batangas at inaresto ang dalawang caretaker sa lugar.

Ayon kay Police Col. William Angway, hepe ng Sariaya police, alas-otso ng gabi nang harangin ng limang suspek na sakay ng isang van ang oil tanker ng JAR gold enterprises na may tractor head plate number ZHR-325 at trailer plate number TUD 222 habang bumabaybay sa Eco tourism road sakop ng Brgy. Manggalang Kiling, Sariaya, Quezon.

Inutusan ng mga hijacker ang driver na si Arnel Abrea Gontañez, 29, at pahinante na si Reynante Agao Tinamisan na imaneho ang sasakyan patungo sa Balayan, Batangas.

Pagdating sa Bala­yan, piniringan ang da­lawa, muling isinakay sa isang sasakyan at ibinaba sa highway sa Brgy. Lumingon, Tiaong.

Sa follow-up operation ng Sariaya police, natunton ang sasakyan sa loob ng Triple King trucking compound sa Brgy. Santol, Balayan, habang binabantayan ng mga naarestong caretaker ng compound na sina Kylel Aguarsia at Joel Caraig.

Sa pagsisiyasat, nabawasan na ang ilang libong litro ng karga nitong 37,000 litro ng coco oil na umano ay ‘napatulo’ na ng mga suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam kung sino ang utak sa grupo. (Ronilo ­Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy