Una sa Balita

Oil companies babantayan sa panghuhuthot

By
0 5,027

Siniguro kahapon ni Department of Energy­ (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa publiko na nakatutok sila sa mga kompanya ng la­n­gis upang mapigilan ang posibleng pagsasamantala ng mga ito sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) at mapangalagaan ang interes ng publiko.

Patunay aniya dito ang pagpapatawag nila ng pulong sa mga kompanya ng langis­ sa bansa kahapon upang linawin sa mga ito ang mekanismo ng implementasyon ng TRAIN.

“As directed by President Duterte, the government taxes should not profit the companies, because these are all intended for the services of the government to the public and the public alone,” pagdidiin ni Cusi.

Muling binigyang-diin pa ng Kalihim na ang dagdag na excise tax sa ilalim ng TRAIN na sisimulang ipataw ngayong taon sa mga kompanya ng langis ay hindi pa dapat magkaroon ng epekto sa mga lumang stock ng mga produktong petrolyo alinsunod na rin sa 15-day minimum inventory requirement na itinakda sa ilalim ng Executive Order No. 134.

Kasunod nito, inihayag sa isang press conference ng iba pang opisyal ng DOE ang naging resulta ng pagpupulong nila kahapon sa mga kinatawan ng mga kompanya ng langis upang matiyak ang tamang implementasyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Humarap sa media ang mga opisyal ng Department of Energy sa pangunguna ni Undersecretary Felix ‘Wimpy’ Fuentebella (nasa dulong kanan) upang ihayag ang mga napag-usapan nila ng mga kompanya ng langis kahapon. (Erick Ocapan)

Sinabi ni DOE Undersecretary at spokesperson Felix ‘Wimpy’ Fuentebella na napagkasunduang magsusumite ng imbentaryo ang mga kompanya ng langis ng stock ng kanilang liquefied petroleum products si­mula noong Disyembre 31, 2017.

Ito ay upang malaman kung hanggang kailan magtatagal ang lumang stock ng mga kompanya ng langis na hindi pa dapat patawan ng excise tax.

Inatasan rin ng DOE ang mga kompanya na maglagay ng anunsiyo sa bawat gasoline station kung kailan sila magpapatupad ng excise tax.

“Kailangan po na ipaskil ng bawat gasoline station ang kanilang presyo para maging transparent po,” ayon kay Fuente­bella.

Bukod pa rito aniya, magsasagawa rin sila ng random checking sa mga gasoline station, oil depot at refine­ries upang matiyak na tama ang pagpapatupad ng excise tax.

Nanawagan naman ang DOE sa publiko na maging mapagmatiyag at isumbong sa kanilang tanggapan na anumang paglabag sa info@doe.gov.ph sa consumer welfare and promotion office  at itawag sa nume­rong 479-2900 loc.329.