Una sa Balita

OFWs ginagatasan sa passport appointment

By
0 14,868

Sa kabila ng pagpupursige ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mapabilis ang pro­seso para sa aplikasyon ng pasaporte ng ating mga kababayan ay bigo itong matugunan sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Alan Peter Cayetano.

Sa katunayan, nga­yong buwan pa lamang ng Enero ay puno na ang schedule kaya wala nang makuhang slot ang mga nag-a-apply at nagre-renew ng pasaporte.

Pangunahing tina­maan sa dinaranas na krisis sa pasaporte ay ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs) na nangangailangang mag-renew ng pasaporte pero walang makuhang schedule kaya napipilitang maki­pagtransaksyon sa ilang fixer na naranasan lamang umano nila sa ilalim ng pamumuno ni Caye­tano.

Ayon sa kalakaran ng sindikatong namamayagpag ngayon sa DFA, binebenta umano ang appointment ng P5K per schedule sa mga aplikante.

Himutok ng ilang kababayang nag-a-apply ng passport, wala nang appointment na makuha sa loob ng tatlong buwan, gayong Enero pa lamang. Ang mga avai­lable slots na lamang umano ay sa Abril pa.

Itinurong dahilan ng pagkaubos ng slot para sa appointment ay ang mga fixers at travel agencies.

Sa panayam ng Abante sa ilang aplikante at source sa DFA, kaya umano wala nang makuha slot ay dahil sa pagmamaniobra ng ilang opisyal ng DFA sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa mga travel agencies.

Samantala, napag-alaman ng Abante na sa ngayon, ayon kay DFA Undersecretary Frank Cimafranca ay nakakapagproseso ng 12,000 hanggang 15,000 pasaporte araw-araw.

Pero sa kabila ng malaking bilang ng maaring i-accommodate na aplikasyon ay hirap pa ring ma­kakuha ng slot ang marami na­ting kababayan. May mga pagkakataon namang may slot pero sa malalayong lugar ito.

Isang nag-renew ng pasaporte na taga-Quezon City ang nakapanayam ng Abante at nagsabing bumiyahe pa ito ng Cebu City para mag-renew.

May ilang insidente naman ang mga tagamalalayong probinsya gaya ng mga taga-Zambales ay dumarayo pa ng Batangas para mag-renew ng kanilang pasaporte.

Ang ganitong kalakaran ay patuloy na nangyayari sa DFA passport application sa kabila ng mga pagbabagong ipinaiiral ng pamunuan ni Sec. Cayetano.

Duda ng ilang aplikante, may sindikatong nasa likod ng passport application na maaring kakuntsaba umano ng ilang maimpluwensiyang opisyal kaya hindi ito matinag.

Tinangka naman ng Abante na hingan ng reaksyon si Sec. Caye­tano sa nangyayaring krisis sa pasaporte pero hindi ito sumasagot sa ating tawag. Hindi rin makapagbigay ng komento ang Public Information Officer ng DFA sa usapin.