Una sa Balita

OFW updates (Part 2)

By
0 116

Pag-isyu ng Overseas Employment Certificate o OEC sa mga bagong aplikanteng OFW, sinuspinde ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III simula sa Nov. 13 hanggang sa Dec. 1, 2017.

Ito ang tugon ng kalihim bilang proteksyon umano sa publiko ka kabila ng mga ulat na mas tumataas ang bilang ng mga nabibiktima ng illegal recruitment at mismong ilang empleyado ng POEA ang kasabwat ng mga illegal recruiter.

Sa bisa ng Department Order No. 185 na nilagdaan ni Secretary Bello noong Nov 9:
“In view of persistent reports of illegal recruitment activities including direct hires, and in order to protect the public from pernicious activities of certain unscrupulous individuals preying on Filipinos desiring to work overseas, the acceptance and processing of all new applications for Overseas Employment Certificate for all Overseas Filipino Workers, including direct hire workers, are hereby suspended.”

Hindi naman saklaw ng 15-day suspension ang mga OFW na magtatrabaho para sa international organizations at miyembro ng diplomatic corps, royal families, sea-based recruitment agencies, balik-manggagawa, at government hired workers.

Kasalukuyang may nagaganap na imbestigasyon sa mga ulat kaugnay ng illegal recruiters at empleyado ng POEA at iaasahang magsusumite ito ng kanilang rekomendasyon matapos ang imbestigasyon.

Ang tanong, sino ang magiimbestiya kanino at paano makatitiyak na matitigil ang raket ng mga ito? Hanggat wala pang naitatalaga na opisyal at permanenteng Administrator ng POEA at puro Officer-in-charge o OIC ang mamumuno, mananatili ang mga hamon at problema ng ahensiya.

Sana matapos nila ang imbestigasyon sa lalong madaling panahon sapagkat libo libong OFW ang apektado at hindi makaalis upang gampanan ang kanilang kontrata, sabay wala ring mapakain sa kanilang pamilya.

***

Sa pagtatapos ng ASEAN summit sa ilalim ng Chairmanship ng Pilipinas, nilagdaan na ng mga lider ng ASEAN countries ang isang kasunduan para sa kapakanan ng mga migranteng manggagawa na binalangkas ng sampung taon.

Sa ilalim ng “ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers”, ang mga gobyerno ng ASEAN countries ay nangako at ginagarantiya ang patas na trato at proteksyon laban sa pangaabuso ng mga manggagawa na kasapi ng ASEAN.

Nilagdaan ito ng mga lider ng bansang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas.

Layunin ng kasunduan ang mga sumusunod:

1. Patas na pagtrato sa mga manggagawa ano man ang kasarian o nasyonalidad nito

2. Payagan ang mga miyembro ng pamilya ng manggagawa na bumisita sa kanila

3. Ipagbawal ang pagkumpiska ng pasaporte ng manggagawa at sobrang pagsingil ng placement fee

4. Proteksyon laban sa karahasan o sexual harassment

5. Pangasiwaan ang mga labor recruiters

6. Paggalang sa karapatan ng manggagawa sa pagtanggap ng patas at nararapat na pasahod at benepisyo, at karapatan na makilahok sa mga unyon at iba pang mga samahan.

Tinatayang nasa mahihigit 200,000 na Overseas Filipino Worker na nagtatrabaho sa ASEAN member countries ang makikinabang sa kasunduang ito.

Sana lang hindi manatiling drawing ang magandang layunin na ito at gawan ng kongkretong aksyon ng mga bansang miyembro ng ASEAN. Ito ay magiging magandang ehemplo at senyales na tayo ay seryoso na nagkakaisa sa kahilingan na maprotektahan ang ating mga manggagawa.

Sana ito rin ay magsilbi bilang babala sa mga abusadong employer halimbawa sa Middle East, na kapag lumabag sila sa kontrata at inabuso nila ang isang Pinoy, kabangga na rin nila ang mga bansa na kabilang sa ASEAN region. One for all and all for one in the true spirit of ASEAN.