Una sa Balita

OFW tinodas ng kababayan sa Saudi Arabia

0 885

ISANG overseas Filipino worker (OFW) ang sinaksak at sinakal hanggang sa mapatay ng kababayan sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa ulat ng Philippine Embassy nitong Lunes, nakilala ang biktima na si Monico Basco Manansala, mula sa Sasmuan, Pampanga na isang subcontract worker ng Rimal Alswahel Co.

Hindi muna isiniwalat ng mga awtoridad ang pangalan ng suspek habang iniimbestigahan pa ang kaso ng Saudi police at ng Embahada ng Pilipinas.

Sa inisyal na ulat, nagsuntukan muna ang dalawang Pinoy hanggang sa humantong ito sa pananaksak ng suspek.

Tiniyak naman ng Philippine Embassy at Phi­lippine Overseas Labor Office na tutulungan nila ang pamilya ng biktima gayundin ang suspek.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, isang Pinoy din ang nanaksak at nakapatay sa kanyang manager at kasamahan sa trabaho sa Farasan Island sa Saudi Arabia matapos itong sibakin sa trabaho.