Una sa Balita

OFW sinaluduhan sa pagtitinda ng kakanin sa Iraq

0 396

HINDI lahat ng overseas Filipino worker (OFW) ay kumikita ng malaki sa kanilang pinagtatrabahuan.

Marami sa kanila ay nagsa-sideline pa para lamang may karagdagang kita na ipapadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Katulad na lamang ng ginagawa ng isang Pinay sa Iraqi Kurdistan, isang autonomous region sa northern Iraq, na nagtitinda ng kamote, suman at iba pang malagkit na pagkain.

Ang sakripisyong ito ng Pinay ay nakunan ng litrato ng isang OFW at ikinuwento sa mga kasamahan sa trabaho.

“Suman at malagkit inaalok niya para sa mga kababayan natin, marahil ay kakarampot na kita para sa iba pero para kay ate malaking tulong ang benta nya, siguro pandagdag nang gastusin o pampadala sa pamilya o kung anu man di ko alam, basta ang alam ko saludo ako sa katulad ni ate,” kuwento ng OFW na tumangging magpabanggit ng pangalan.

“Sa kabila ng init at kapal ng alikabok sa bansang dayuhan ay napakasipag nya…Hindi po mayayaman ang mga OFW. Karamihan sa amin pinapasok kahit na anong sideline makadagdag lang sa kita at para maibigay ang mga panga­ngailangan ninyo sa Pilipinas,” kuwento ng Pinay.

Naglabas din ng sentiyimento ang OFW na kahit wala sa tamang oras ang kanilang pagkain at kulang sa tulog, ang pamilyang naiwan sa Pilipinas ang karaniwang iniisip ng mga nagtatrabahong Filipino.

Nawalan na rin umano sila ng hiya kaya’t hindi nakapagtatakang magtinda ng kakanin ang isang OFW kahit may matinding sandstorm sa nasabing lugar nung araw na iyon.

Ang sakripisyong ito ay hindi umano nakikita ng kanilang pamilya sa Pilipinas, na umaasa lang sa buwanang padala ng kanilang kaanak na nagtatrabaho sa abroad.

“Simple lang ang hiling ng isang OFW – sana maisip nyo din kami, sana sa mga simpleng paraan­ maalala nyo din kami. At sana maintindihan nyo din kami ‘pag kulang ang nabibigay namin,” paliwanag ng OFW.

“Malungkot dito, mainit. Pero para sa inyo, magtitiis kami.” dagdag pa niya.