Una sa Balita

OFW niligtas ng ABS sa pang-aabuso ng amo

0 360

Nakauwi ng ligtas ang isang Overseas Filipino Worker dahil sa mabilisang aksyon ng ABS-CBN Tulong Center, ang programang “ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa DZMM” sa radyo, at mga ahensiya ng gobyerno.

Ilang buwan na nagtrabaho si Lilian Abenoja bilang helper sa Riyadh, Saudi Arabia nang magsumbong siya sa kanyang asawang si Renato Rimando na inaabuso siya ng kanyang mga amo at hindi siya makaalis.

Dumeretso si Renato sa Tulong Center help desk at agad siyang binigyan ng endorsement letter para sa Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA). Ipinaalam din ang sitwasyon ni Lilian sa programang “ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa DZMM” nina Julius Babao at Bernadette Sembrano-Aguinaldo na tumalakay sa kwento niya at inilapit siya sa Repatriation Assistance ng OWWA, upang kaagad itong maaksyunan.

Sa loob ng isang buwan, nakauwi na si Lilian sa piling ng kanyang asawa at dalawang anak.

Dumalaw ang mag-asawa sa Tulong Center kamakailan lang at ikinuwento ni Lilian ang mga karanasan niya. Ilang buwan siyang nakaranas ng pambabastos sa lalaking amo at inakusahan pa siya ng babaeng amo na nangaakit sa asawa. Hindi na siya binigyan ng sweldo, pagkain, at iba pang pangangailangan. Lumala pa ang sitwasyon noong nananakit na rin ang mga batang alaga niya.

Binuksan noong Pebrero 2014, ang T­ulong Center at may layuning magbigay serbisyo sa mga Kapamilyang nangangaila-ngan sa aspetong legal, medikal, at iba pa. Mahigit 40,000 na indibidwal na ang natulungan nito.

Maaaring puntahan ang Tulong Center sa ABS-CBN Compound sa Eugenio Lopez Drive mula Lunes hanggang Biyernes mula 8 am hanggang 5 pm.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy