OFW nalibing ng buhay sa lupang hinukay

Patay ang isang 27-anyos na overseas filipino worker (OFW) na umekstra lang bilang construction worker matapos itong matabunan ng gumuhong lupa na kanilang hinuhukay sa Panit-an, Capiz nitong Martes.
Idineklarang dead on arrival sa Bailan District Hospital ang biktimang si Rodel Catalan Delfano, OFW na galing Saudi at naninirahan sa Brgy. Cogon ng nasabing bayan.
Sa ulat ng pulisya, sa kagustuhang kumita ay umekstrang piyon ang biktima kasama ang pinsan nitong si Jaydel Cayertano sa isang construction site sa Painit-an. Naghuhukay ang mga ito nang biglang gumuho ang pader na malapit sa kanila dahilan para mahulog sila sa hukay at matabunan bandang alas-nuwebe ng umaga.
Nakaligtas sa insidente si Cayetano dahil kalahati ng kanyang katawan ang tumabon na lupa. Mabilis namang nahukay at naiahon sa hukay ang biktima pero hindi ito nakaligtas.
Nabatid na nagbakasyon lang ang biktima mula sa Saudi kung saan siya nagtatrabaho bilang driver at pabalik na sana ito sa Hulyo. (Edwin Balasa)