Una sa Balita

OFW nahulog sa paglilinis ng bintana ng bahay sa Italy

0 236

NASAWI ang isang 54-anyos na Pinay nang mahulog ito mula sa ikaapat na palapag habang naglilinis ng bintana sa bahay ng kanyang mga amo sa Milan, Italy nitong Martes nang umaga.

Dinala pa sa pagamutan ng mga rumespondeng pulis ang hindi muna pina­ngalang biktima, na isang domestic helper sa naturang bansa subalit idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.

Sa natanggap na inis­yal na report ng Department of Foreign Affairs (DFA), naglilinis ng bintana ang biktima mula sa ikaapat na palapag ng bahay na kanyang pinagtatrabauhan nang mawalan ito ng balanse hanggang mahulog ito ng may 30 metro.

Nabatid na mag-isang naiwan ang biktima sa bahay habang ang mga employer nito ay nasa Greece.

Dahil sa insidente, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang amo ng biktima at posibleng mahaharap ang mga ito sa kaso dahil sa pagkamatay ng Pinay.
Aalamin din ng mga awtoridad doon kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

Napag-alaman na ang window cleaning ang isa sa mga pinakadelikadong trabaho sa buong mundo.

Karamihan sa mga Pilipino na nasa Italy ay nasa household service sector, na kasama sa kanilang trabaho ang pag­lilinis ng mga bintana ng bahay at establisimyento na walang kaukulang protective gear at equipment.

Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Italy para sa agarang pagpapauwi sa labi ng Pinay. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy