OFW inabandona sa Riyadh Airport balik na sa kanyang pamilya sa Pagadian

By

Masayang nakabalik na sa pamilya ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos tulungan ng isang liason officer ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang makita nitong wala sa sarili at paikut-ikot sa loob ng paliparan kahapon sa Pasay City.

Sa pamamagitan ng tulong na ginawa ng mga opisyal ng NAIA ay nakauwi na kahapon ang OFW na si Karsoma Utobara, nasa hustong ­gulang, at tubong Pagadian City sa kanilang probinsiya.

Kaugnay nito binigyang naman ng papuri ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal ang Airport Transport Liason Officer na si Suzette Nueva matapos tulungan nito ang isang OFW na pagala-gala sa loob ng NAIA.

Ayon kay Nueva, namataan niya kamaka­lawa ng umaga ang OFW na nag-iisa at paikut-ikot lamang sa arrival area ng NAIA Terminal 1.

Aniya, nakilala niya ang pasahero sa kanyang mga pagtatanong, at sa halip ay sinundan lamang niya ito kung saan man ito magpunta.

“Hindi ko siya tini­gilan talagang sinundan ko siya dahil naawa ako sa kanya paikut-ikot at ­balisa kaya’t ang ginawa ko nilapitan at tinanong ko siya hanggang sa nagtiwala naman siya sa akin” ani ni Nueva.

Napag-alaman na ina­bandona ang OFW na sinasabing may sakit sa pag-iisip sa Riyadh Airport na naka-wheelchair na una nang nag-viral pa ito sa social media.

Sinabi ni Nueva, nakapagkuwento lamang si Karsoma nang alukin niya itong kumain, kung saan nakatulong ito upang ma-trace niya ang mga kamag-anak nito.

Kung kaya’t sa tulong ni Nueva ay nabilhan ng ticket si Karsoma at sa ngayon ay nasa kanyang mga magulang na nasa Pagadian.

Sinabi ni Nueva na napakahalagang makasama ni Karsoma ang kanyang pamilya upang maibalik sa normal ang buhay nito.


SHARE