OCD ‘all eyes’ sa missile attack ng NoKor

By

Nakatutok ang Office of Civil Defense (OCD) sa banta ng North Korea na magpapakawala ng missile strike sa direksyon ng Guam.

Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator for Administration Kristoffer James Purisima, nakikipag-ugnayan na sila sa mga ahensya ng gobyerno para maglatag ng naaangkop na contingency plans.

Pinaghahandaan na rin aniya ang mga alerto at babala para sa impormasyon at proteksyon ng mga sibilyan upang mapaghandaan ang anumang pangyayari.

Una nang ibinabala ni 1-Ang Edukasyon Party-list Rep. Salvador Belaro na madadamay ang Pilipinas sa giyera ng Amerika at NoKor dahil dadaan sa airspace ng Philippine territory ang palitan ng missile strikes lalo na kung tatargetin ng Pyongyang ang Guam.

Sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na itinuturing nilang usaping civil defense at hindi isyung militar ang usapin sa North Korea.

Umapela rin ang kalihim sa lahat ng bansa na makiisa at iwasang gumawa ng anumang hakbang na makapagpapatindi ng tensyon hindi lamang sa Korean Peninsula kundi maging sa Asya Pasipiko.

“Sa ating mga kababayan, huwag po tayong mangamba. Ang palagi naming sinasabi ay maging alerto lang po tayo at ipagbigay alam sa mga kinauukulan kung may mapansin kayong hindi karaniwan sa inyong lugar,” paalala ni Lorenzana.

SHARE