Una sa Balita

Obrero dedbol nang mahulog sa backhoe

By
0 88

Nagkikisay hanggang sa mamatay ang isang obrero nang aksidente itong mahulog sa backhoe sa pinapasukan niyang construction site sa Valenzuela City, kamakalawa ng tanghali.

Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) si Denny Bristol, 52-anyos­, residente ng No. 61 C. Capt. Miyong St., Brgy. San Roque, Marikina City.

Base sa medical report, nagkaroon ng ma­tinding head injury ang biktima na ikinasawi nito.

Nabatid na bandang alas-11:00 nang tanghali ay abala sa pagiging backhoe spotter si Bristol at inaasistihan nito ang driver na si Francisco sa pinapasukan nilang cons­truction site sa FEBC Compound, Karuhatan Road, Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.

Umakyat sa backhoe ang biktima at pagsapit nito sa tuktok ng sasakyan ay aksidenteng nadulas ang kanyang paa paghakbang niya patalikod kaya nahulog at bumagok ang ulo sa semento.

Kaagad na dinala sa nasabing pagamutan ng kanyang mga kasamahan si Bristol pero sa daan pa lamang ay binawian na ito ng buhay.

Ang FEBC ay dating religious radio station na nabili ng pribadong kompanya at dini-develop para gawing condomi­nium.

Panawagan ng mga kaanak ng namatayan, tulungan sila ng pamunuan ng kompanya na sagutin sana ang mga gastusin sa burol at libing ng namaya­pa dahil salat din sila sa buhay.