Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Obiena tinalon ginto sa Sweden

0 95

NAKABAWI at sumungkit ng gintong medalya ni 2020+1 Tokyo Olympic pole vaulter Ernest John Obiena sa Taby Stavhoppsgala nang kumpletuhin ang 5.92 meters sa Taby Municipality sa Stockholm County, Sweden Miyerkoles ng umaga (oras sa ‘Pinas).

Dinaig ng 26-anyos na World No. 6 pole vaulter si 2016 Rio Olympics gold medalist Thiago Braz ng Brazil sa pagrehistro ng naturang sukat sa ikalawang pagsubok, kung saan kinulang lamang ng .01 metro para sa kanyang personal at Asian record na 5.93 na inilista sa Golden Roof Challenge sa Austria noong Setyembre 2021.

Sinubukan pang lumikha ng panibagong marka ng two-time Southeast Asian Games champion sa 6.01 meyro ngunit ito’y nabigo. Nakuntento lamang ang 28-anyos na Brazilian bronze medalist sa Tokyo Olympics sa 5.82 meters matapos hindi makalusot sa 5.92.

Pumangatlo si Simen Guttorsen ng Norway sa 5.72 meters na sinundan nina Kurtis Marschall ng Australia, Harry Coppell ng Great Britain, Luke Winder ng USA at Bokai Guang ng China sa magkakaparehobg 5.62 metro.

“5.92m and the win here in @tabyisfriidrott. Next stop is @bauhausgalan on 30th of June,” wika ni Obiena sa kanyang Instagram post, na sinundan naman ng pagbati ng kanyang long-time mentor at adviser na si Jim Lafferty sa isang social media post.

“Big shout out congrats to superstar Ernest Obiena for a terrific win in Taby, Sweden a few hours ago, earning the Gold medal in a world-class field with an amazing vault of 5.92, just 0.01 shy of his Asian record! VERY close attempt on 6.01!! This puts EJ in great shape heading into Stockholm this weekend and the upcoming World Championships!! Way to go EJ! We are so proud of you!” pagbati ni Lafferty kay Obiena.

Hindi pinalad ang 2019 Universiade champion sa dinaluhang Beijer Stavhoppsgala sa Uppsala, Sweden nang tumapos lamang ito sa 8th place na pinangunahan ni Olympic gold medalist at World No. 1 Armand Duplantis nitong Martes ng umaga.

Nagtapos lamang si Obiena sa 5.70 meters katabla si two-time World Championships champion Sam Kendricks ng Estados Unidos sa 8th place matapos parehong nakakumpleto ng talon sa 5.55 sa ikalawang pagsubok, unang beses sa 5.70 at tatlong palya sa 5.81.

Sunod na sasabak ang 2019 Asian Athletics Championships gold medalist sa Stockholm Diamond League sa Hunyo 30 matapos hindi makalahok sa Oslo Wanda Diamond League nitong Hunyo 16 at Paris Diamond League noong Hunyo 18. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.