NURSE BINARIL SA AWAY-TRAPIKO

By

Sugatan ang isang lalaking nurse nang pagbabarilin ng hindi pa tukoy na armadong lalaki dahil lamang sa away-trapiko sa Cebu City kahapon ng madaling-araw.

Dinala sa isang pribadong ospital ang biktimang si Ephraim Montalbo sanhi ng dalawang tama ng bala ng baril sa kanyang kaliwang hita habang nasa kalagitnaan naman ng pagtugis ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan sa suspek.

Sa imbestigasyon ni PO3 Nicolo Gonzales, ng Cebu City Police Office (CCPO), lulan umano ang lalaking suspek sa isang itim na Mercedez Benz na may plakang UNI-731 na agad tumakas kasama ang isang babae.

Kasalukuyan din aniya­ nilang tini-trace sa Land Transportation Office (LTO) kung sino ang nagmamay-ari ng kotse na hinihinalang isang fo­reigner o Filipino-chinese.

Lumalabas sa report na nangyari ang pamamaril sa F. Sotto Street, Barangay Kamputhaw pasado alas-tres ng madaling-araw kung saan ay nagpagewang-gewang umano ang Mercedez Benz sa magkabilang linya bago ito huminto sa kalagitnaan ng kalsada.

Tiyempo namang nasa likuran ng Mercedez Benz si Montalbo na noo’y sakay sa kanyang Toyota Altis na bumusina ng ilang beses para makaalpas subalit imbes na tumabi ay bigla umanong lumabas ang la­laki kasama ang isang babae at tinadyakan ang nasabing sasakyan ng biktima.

Sinubukan pa umanong suntukin si Montalbo pero nakaiwas ito hanggang bumalik sa sasakyan ang suspek at kinuha ang isang baril bago pinagbabaril ang biktima.

Nakunan naman ng video ng isang motorista ang lahat ng pangyayari at maging ang aktuwal na pamamaril kung kaya’t nakuha ang plate number ng sasakyan ng humarurot na suspek.


SHARE