Una sa Balita

Numero unong rekruter ng NPA

0 478

Isa sa mga unang opisyal na akto ng bagong senador na si Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang paglunsad ng public hearing sa Senado hinggil sa rekrutment umano ng mga komunista sa mga menor de edad na estudyante sa mga unibersidad upang mamundok at maging NPA (New People’s Army).

Ikinagagalak marahil ng Malacañang, Fort Bonifacio, at Camp Crame na sumapit na ang araw ng ikalawang pagdating ni McCarthy, ang Amerikanong senador, ama ng ‘red-tagging,’ na nanguna sa ‘di makataru­ngang pagtugis sa mga pinaghihinalaang komunista noong 1950s. Malinaw na ginagamit ni buti­hing Senador dela Rosa ang kanyang bagong posisyon bilang plataporma para pangunahan at suportahan ang panggigipit ng administrasyong Duterte sa mga ligal at demokratikong orga-nisasyon ng mamamayan, unang-una na ang mga aktibistang samahan sa mga unibersidad, na binansagan niyang mga ‘front organizations’ ng CPP (Communist Party of the Philippines).

Sa kasamaang palad para sa mga pasista ng administrasyong Duterte, nakabatay sa kasinungalingan at panlilinlang sa publiko ang sarswelang Senate hearing ni Bato. Una, protektado ng Konstitusyon ang pagsali ng kabataan, menor de edad man o hindi, sa mga organisasyong aktibista tulad ng Anakba­yan, League of Filipino Students, o Kabataan Party-list.

Related Posts

Pinalalabas nilang kriminal ang ligal at konstitusyonal. “Children have the rights to expression, freedom of association and peaceful assembly,” paalala ng Commission on Human Rights. Pangalawa, hindi rekruter ng NPA ang mga organisaysong nabanggit. Pa­ngatlo, hindi nawawala, at lalong hindi biktima ng kidnapping ang mga anak ng mga magulang na pinagsalita ni Bato sa Senado. Sa katunayan, nasa 18-taong gulang o higit pa ang mga anak nila kung gayon, may ganap na karapatan sa sariling pagpasya.

Nakalulungkot na ginagamit na sandata nina Bato at ng AFP at PNP ang hindi pagkakaunawaan ng mga magulang at anak upang isulong ang tiranikong adyenda ng administras­yong Duterte na mala­yang makapasok sa mga paaralan at unibersidad ang pulis at military upang manmanan, gipitin, at dahasin ang mga estudyante at kanilang mga organisasyon, lalu na yaong nagmumulat sa kanilang maging kritikal at mapagmahal sa masa at bayan. Hindi ito mahihiwalay sa iba pang mapanupil na hakbang ng rehimen, tulad ng pagpaslang ng mga maralita sa tabing ng gera kontra droga; pagpakawala ng mga death squad laban sa mga aktibista; pagpapairal ng batas militar at gera sa iba’t ibang sulok ng bansa; at pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga kritiko. Lahat nang ito upang makapanatili sa poder at magpatuloy sa pagpapayaman at pangungurakot habang naghihirap ang nakararami.

Noong panahon ng Martial Law, si Marcos. Ngayon, si Duterte ang numero unong rekruter ng NPA.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy