Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nuezca dedbol sa Bilibid

0 214

Kinumpirma kahapon ng Bureau of Correction (BuCor) ang pagkamatay ng dating pulis Parañaque na si Jonel Nuezca na nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa pagpatay sa mag-inang kapitbahay sa Tarlac.

Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, namatay si Nuezca dakong alas-6:44 ng gabi nitong Martes sa New Bilibid Prison (NBP) Hospital.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano ang ikinamatay ng dating pulis habang ang labi nito ay isinailalim sa awtopsiya.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad umano si Nuezca sa labas ng dormitory building ng bigla itong mag-collapse.

Agad naman itong tinulungan ng kasamahan si Nuezca at dinala sa NBP Hospital kung saan ito namatay ilang minuto ang nakalipas.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pagkamatay ng dating pulis upang mabatid kung mayroong foul play na naganap sa pagkamatay nito ayon pa kay Chaclag.

Matatandaang Agosto 26, 2021 nang hatulan si Nuezca na tig-40 taong pagkakakulong ni Paniqui Regional Trial Court (RTC) Branch 106 Judge Stella Marie Gandia-Asuncion, dahil sa pagpatay sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui Tarlac noong Disyembre 20, 2020.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang pulis at mga biktima dahilan upang pagbabarilin ng una ang mag-ina.

Ang pamamaril ni Nuezca sa mag-ina ay na-videohan ng isa sa kaanak ng mga biktima na ini-upload sa social media na agad namang nag-viral.(Edwin Balasa/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.