Nueva Ecija police chief, 8 tauhan kinastigo sa panggugulo sa kampanya
NASA ‘hotwater’ ang isang police chief at walo nitong mga tauhan makaraang maparatangang nambulabog sa payapang electoral meeting ng isang congressional bet sa 4th district ng Nueva Ecija noong Abril 7.
Kinilala ang inireklamo sa Central Luzon police internal affairs service na si Police Major Ranny Guzman Casillaz, hepe ng San Isidro, Nueva Ecija.
Kasong ‘grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of service’ ang inihaing reklamo ni Salvador Franco Jr., campaign leader ni Dra. Maricel Natividad Nagaño, kandidato opisyal sa pagka-kongresista sa ilalim ng People’s Reform Party.
Related Posts
Sa salaysay ni Franco na notoryado ni Atty. Arnold Castro, pagitan ng alas-10:00-11:00 nang umaga noong Abril 7 ay abala sila sa campaign meeting sa loob ng Farm View Resort (dating Rose Garden) sa Brgy. San Roque, San Isidro nang dumating sina Casillaz at tauhan nito.
Kitang-kita umano sa mga nakalap na CCTV footage ang animo’y raid ng mga pulis na pawang armado at ikinaalarma’t ikinatakot ng mga dumalo sa pulong.
Nabanggit pa umano na pinaratangang nagsasagawa ng pay-out o vote buying sa lugar.
Kasama sa iprinisinta sa reklamo ang kopya ng kasunduan nina Dra. Natividad-Nagaño at Enrique Salonga ng Farm Resort mula pa noong Pebrero 1 sa kontratang P80,000 para sa 4 na buwang pagpupulong sa resort. (Jojo de Guzman)