Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

NTF-ELCAC nagbabala vs `permit-to-win’ ng mga komunistang-terorista

0 89

Nagbabala nitong Martes ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga kandidato, nasyunal man at lokal, na maaari silang madiskwalipika kung bibigay sila sa ‘permit-to-win’ (PTW) at ‘permit to campaign’ (PTC) ng mga komunistang-terorista.

Ipinatutupad ito ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF}, tuwing halalan upang magkamal ng pondong panlaban sa pamahalaan.

Subalit, idineklara na kamakailan ng Commission on Elections (COMELEC) na `iligal’ ang gawaing ito.

Sinaluduhan ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice-Chairperson, Secretary Hermogenes C Esperon, Jr., ang Comelec sa hakbangin nito para mapanatiling malinis at payapa ang darating na halalan, sa pagsasawata ng mga masamang gawain ng CPP-NPA-NDF.

“Nagdeklara na ang COMELEC. Ang PTW at PTC ay pangingikil ng CPP-NPA-NDF at ng kanilang mga kaalyadong front organizations, kaya’t bawal na bawal ito at iligal na gawain,” paliwanag ni Esperon.

“Walang puwang ang CPP-NPA-NDF na makialam sa proseso ng ating halalan. Ang mga teroristang ito ay hindi kailanman dapat pinapayagang dungisan ang karapatan nating mga Filipino sa pagpili ng ating mga lider. Sinasamantala nila ang eleksiyon para kumita ng limpak na salapi na gagamitin din nilang panglaban sa pamahalaan,” dagdag pa ni Esperon.

Kanya din pinagdiinan na sinumang kandidato na magbabayad ng PTW o ng PTC sa mga CPP-NPA-NDF at mga front organizations nito ay “mananagot sa malaking pagkakasala sa taumbayan dahil labag ito sa Saligang Batas.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.