Una sa Balita

NPA may ‘proof of life’ sa hepeng bihag

By
0 3

ZAMBOANGA City — Naglabas kahapon ang New People’s Army (NPA) ng ikalawang proof of life sa bihag nitong hepe ng pulisya sa Davao Orien­tal province sa Mindanao habang patuloy naman itong nililitis ng mga rebelde kaugnay sa iba’t ibang akusasyon.

Ipinasa ni NPA spokesman Rigoberto Sanchez ang video ng prisoner of war na si Chief Insp. Arnold S. Ongachen, ang hepe ng pulisya sa bayan ng Gov. Gene­roso, na dinukot noong Mayo 29 matapos na lusubin ng mga rebelde ang kanyang himpilan at mahulihan pa ng droga sa kanyang bulsa.

Nasa mabuti umanong kalagayan si Ongachen at kapuna-puna ang makapal nitong bigote at buhok habang nagsasalita sa harapan ng camera.

“Ang hiling ko lang po sa AFP ay ihinto na po ninyo ang inyong military operation at bigyang daan natin ang peace talk na matagal nang hinihiling ng mga kababayan natin,” sabi ni Ongachen.

Ibinida pa ni Ongachen na bukod sa kanya ay may nakita rin itong iba pang bihag na dinakip ng NPA dahil sa iligal na droga.

‘Bahala na kayo!’

Naunang ipinakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rebeldeng grupo na palayain agad si Ongachen ngunit nagbago ito ng isipan matapos na sabihin ng NPA na may nakumpiska silang sachet ng shabu sa opisyal.

Kinumpirma rin ito ng isang NPA commander kay Duterte nang magkausap sila sa cellphone kung kaya’t sinabi ng Pangulo na bahala na ang rebeldeng grupo kay Ongachen.

Iminungkahi pa ni Duterte na may “kangaroo” court naman ang NPA na kung saan ay puwedeng litisin si Ongachen. “You have a kangaroo court. Sentence him to 20 years of hard labor,” ani Duterte. “I said I’d be harsh (on illegal drugs). I’m sorry for that guy.”