Una sa Balita

Notoryus na kawatan, balik-selda

By
0 172

BALIK-SELDA na naman ang isang notoryus na kawatan na ginagawang bahay-bakasyunan ang loob ng selda makaraang mahuli sa loob mismo ng bahay ng kanyang nilooban sa Valenzue­la City, kahapon nang madaling-araw.

Sa ulat kay P/Sr. Supt. David Nicho­las Poklay, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang suspek na si Emmanuel Yandoc, 37-anyos, naninirahan sa No. 123 Diam St., Old 3 Ext., Brgy. Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

Kuwento ng complainant na si William Directo, 41, foreman sa construction site na nakabase sa No. 302 R. Valenzuela Ext., Brgy. Marulas, Valenzue­la City, bandang alas-kuwatro nang madaling-araw nang maalimpungatan ito dahil sa kaluskos.

“Bumangon ako sa higaan para ala­min kung saan galing ang ingay, tapos nakita ko ‘yung suspek na nasa loob ng bahay ko na naka-bagpack na kulay blue at may dalang sako,” ani Directo.

Tinanong nito ang suspek kung ano ang ginagawa nito sa loob at sumagot naman daw ang suspek ng “may rumble sa labas kaya ako napatakbo dito.”

Hindi kumbinsido ang foreman sa katwiran ng suspek kaya ginising niya ang kanyang mga trabahador at pini­gilang makalabas ng compound ang kawatan.

Nang tingnan nila ang laman ng sako, nakita ng mga ito ang welding machine na nagkakahalaga ng P9,000 at grinder na may presyong P1,500.

“Mga gamit namin ‘yun sa cons­truction, pinasok na pala kami ng kawatan,” sabi pa ni Directo.
Dumating ang mga tauhan ng PCP 3 at dinala sa presinto si Yandoc.

Sa rekord ng pulisya may pending warrant of arrest ang suspek sa kasong robbery ma may Criminal Case No. 986-14-19 na ipinalabas ni Hon. Judge Lilia Mercedes Encarnacion-Gypty ng RTC Branch 75 ng Valenzuela City.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy