Una sa Balita

Normal

0 572

Noong nag-aaral pa ako sa Pamantasang Normal ng Pilipinas noong Dekada ‘90, nagiging tampulan ako ng tukso lalo’t mababalitaang sa unibersidad na iyon sa kanto ng Taft Avenue at Ayala Boulevard sa Maynila.

Normal. Pero itatanong nila nang may panunuya kung normal din daw ba ako. Tapos magtatawanan sila. Pagtatawanan ako.

Kung iniisip ninyong ang kahulugan ng salitang ‘normal’ sa Pamantasang Normal ng Pilipinas na sambuwan nang nagdiriwang ng kanilang 28th Universityhood, ay karaniwan, tama kayo.

‘Normal’, na ang sa­litang-ugat ay ‘norm’. Iyong pangkaraniwan, iyong katanggap-tanggap ng marami ang ‘norm’.

Ang ideya sa likod ng Pamantasang Normal ng Pilipinas na da­ting Philippine Normal School na naging Phi­lippine Normal College hanggang, dalawampu’t walong taon na nga ang nakararaan ay naging unibersidad o Philippine Normal University (PNU), ay magturo at magpalaganap ng magiging norm. Noong itiinatag ang unibersidad noong 1901, walang ibang itinaguyod ang unibersidad kung hindi ang humubog ng mga magiging gurong magtataguyod ng norm sa hinaharap.

Sa tagal na ng pag­lilingkod ng PNU sa bansa, wala yatang paaralan sa kapuluan, o walang dibisyon ang hindi napaglingkuran ng isang gurong nagtapos sa Normal. Katunayan, kinikilala ang PNU bilang National Center for Teacher Education. Bukod pa riyan ang mataas na pagkilala ng Commission on Higher Education sa kakayahan ng PNU na humubog hindi lamang ng guro kung hindi magiging pinuno ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Katunayan ang napakaraming parangal na natanggap ng mga alumni ng unibersidad, mula sa pagiging board topnotchers hanggang sa outstanding teacher awards mula elementarya hanggang sa kolehiyo.

Sa PNU ako nagtapos. Hindi lamang ako, sa PNU din nagtapos ang aking mga kapatid. Wala kasing ibang nais na unibersidad ang a­ming ina para pag-aralin kami, PNU lang. Pangarap kasi ng aking ina na maging guro, na hindi niya natupad dahil sa kahirapan.

Pero hindi lang ka­ming magkakapatid ang nag-aral sa Normal. Sa PNU ko rin nakilala ang aking makakasama sa buhay. Kaklase ko sa u­nang taon ko sa kolehiyo ang mapapangasawa ko na guro ngayon ng agham sa aming bayan sa probinsya.

Sanhi ng napakara­ming dahilan, pangunahin na ang pera at ang pag-uukol ko ng mas mahabang panahon sa pagsusulat kaysa pag-aaral para magtapos, kaya ako inabot nang walong taon sa kolehiyo. Hindi normal, ang tagal. Dahil ang normal na pag-aaral sa Normal ay apat na taon lamang. Pambihira na ang abutin nang lima. Kaya lalong pambihira ang abutin nang walong taon.

Ngunit gayunmang inabot ng ganoong katagal, hindi ko naman masasabing wala akong natutuhan. Mas inuna ko lang ang pagsusulat, ang nangunguna kong pangarap. Pero nang magtapos at maging guro naman ako, hindi ko binigyan ng pagkakataong pagdudahan na ako ay nagtapos sa na­ngungunang uniber­sidad sa nagnanais maging guro.

Sa pamamagitan ng column kong ito, nagpapasalamat ako sa bumubuo ng pagdiriwang ng Universityhood ng Normal. Sa Pebrero 19, ang inyong lingkod ay gagawaran ng 2020 Gawad Sulo for Eminent Alumni. Pagkakataon nang makabalik sa aking alma mater, mag-ulat kung ano na ba ang narating ng kanyang alibughang estudyante.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More