Una sa Balita

Noong unang panahon

By
0 413

Ngayong panahon na rumaragasa ang social media, Internet, at smartphone, kay dali na na­ting tandaan ang panahon at pangyayari, tandaan ito hindi gamit ang memorya lamang natin o itong kakayahan ng ating utak na u­malala, kung hindi gamit na rin ang teknolohiya.

Pansinin, kung hindi maalala ang gagawin, puntahan lamang ang kalendaryo ng smartphone mo. Hindi alam ang eksaktong termino o karunungang dati ay alam, i-Google. Ipapaalala sa iyo ng Facebook ang mga ginawa mo noong mga nagdaang taon.

Makikita at muli mong maibabahagi sa mga netizen ang pangyayari kahit pa nakabaon na ito sa limot. ‘Ika nga ng kaibigan ko, mahirap mag-move on sa panahon ngayong maraming magpapaalala sa iyo sa nagdaang relasyon.

Abante Hiring – IT dep

Lumaki na ang kapasidad nating tandaan ang nakaraan. Kahit ilang gigabyte na alaala, basta converted sa digital, madaling i-store. Madaling balik-balikan. Madali rin naman burahin kung gugustuhin.

Sa daloy ng ganitong pagtalakay ko, gusto kong balikan ang phrase o pariralang ‘noong unang ­panahon’.

Dito sa ‘noong unang panahon’, nagsisimula ang mga kuwento sa akin ng nanay ko kapag gusto kong makarinig ng kagila-gilalas na kuwento. Iyong tipong mga kuwentong bayan na parang fairy tale rin dahil hindi kapani-paniwala.

Iyong panahong hindi nakatala, digital man o printed, kaya tinatawag na ‘noong u­nang panahon’. Minsan, ginagamit ang salitang ‘noong araw.’

Ang gandang parirala ng ‘noong unang panahon’ at ‘noong araw’. Parang isang panahong wala nang makakaalala.

Related Posts

Ginagamit din natin ang ‘noong unang panahon’ bilang pagmarka sa kakayahan natin. Halimbawa, noong unang panahon na mabubuti pa ang karamihan sa atin; noong u­nang panahong wala pang komplikasyon ng teknolohiya; noong unang panahong nag-uusap-usap pa tayo at nagpapaliwanagan.

Hindi katulad ng panahon ngayon na kahit pa magkakaharap ang pamilya, bawat isa ay may hawak na gadget. Nakayuko. Hindi tumitingin sa kasama.

Noong unang panahong hindi pa marahil ganid ang mga nasa kapangyarihan; na ang kapangyarihan ay hindi para sa pagkakamal ng kayamanan, kung hindi para sa pagpapabuti ng buhay ng kapwa.

Noong unang panahong hindi pa laganap ang pananamantala sa kapwa. Noong unang panahong nagtutulu­ngan pa ang bawat isa.

Masyadong malupit ang kasalukuyan lalo’t sumasambulat ang impormasyon, tahasang disimpormasyon at panlilinlang. Dumadaloy at pinakakalat ito ng teknolohiya. Kay dali nating mamuhi, kay hirap na sa atin maging masaya at maligaya.

Sa totoo lang, gaya ng kuwentong pantastiko ng nanay ko sa akin, gaya ng fairy tale at mga kuwentong kagila-gilalas, parang hindi naman natin ta­laga inaalala ang ‘noong unang panahon’. Nire-recreate na lang natin ito sa ating isip na para bang isang mundong umiiral sa isang ibang uniberso.

Wala nang makaalala kaya lumilikha na lamang tayo ng isang lipunang marangal at may pagmamahalan, at tinatawag at ikinukuwento natin itong nangyari ‘noong u­nang panahon’ at ‘noong araw’.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes