Una sa Balita

Noon at ngayon

0 292

NOONG ka­bataan namin sa dekada 60, kilala ito bilang “Pista ng Patay” sa ­aming bayan ng Binmaley, Pangasinan. “Araw ng mga Patay” sa mga Tagalog. “All Saints Day” sa mga Katoliko.

Ayon sa Facebook, ang “Undas” ay hango mula sa Espanyol na “honrar” (to honor) na patungkol sa “Dia de Todos Los Santos”. Dahil sa araw na eto, binibigyan galang ang mga yumao na. Sa mga bayan sa Timog Luzon tulad ng Batangas, Taya­bas (Quezon), at Mindoro Occidental, ang “Undas” ay binibigkas na “Undras”.

Sa modernong panahon, mas kilala ang Halloween at Trick-or-Treat. Isang linggo bago ang Nobyemre uno, ­umpisa na ang mga Halloween party na ginaga­mitan ng mga costume. At walang rule sa pagpili ng mga costume mula sa mga Hollywood characters hanggang sa mga local folklore. Madalas pa na may ispesyal na premyo sa “pinakamagandang” costume.

Sa mga community, village at ­subdivision, ginagawa naman ang ­Trick-or-Treat para sa mga bata. ­Katulad ng ginagawa sa Amerika, ang mga bata ay pagsusuutin costume, at wala ring rule sa gustong isuot. Sila ay lilibot sa buong village at aabutan ng mga kendi o tsokolate sa bawat bahay.

Sa dalawang nabanggit na ­selebrasyon, hindi ko makita ang ­kaugnayan sa paggunita sa mga ­yumaong kamag-anak.

Noong dekada 60, namulat kami na ang Pista ng Patay ay araw para sa mga kaluluwa ng mga yumao. Ang mga ­kaluluwa, kasama ang mga nasa ­purgatoryo, ay bababa sa araw na ito at dadalawin ang mga kapamilya at kakilala.

Sa amin, nagluluto ng ispesyal sa kakanin na kung tawagin ay “­inlubi”. Ang inlubi ay isang kakanin gawa sa “­deremen” na niluto sa gata. Ang ­deremen ay sa panahon ng ­Oktubre at Nobyembre lamang. Ito ay mula sa ­murang palay na malagkit, at ­ginagawang pinipig.

Sinusunog ang murang palay; pagkatapos ay babayuin sa isang lasong (mortar) hanggang maalis ang ipa (husk). Ang maiiwan ay malambot, ­maitim at flat na bigas o pinipig.

Kaming mga kabataan ay magbabahay-bahay sa buong barrio. Sa bawat ­bahay, babati kami ng, “­Nangangaluluwa po.” At kami ay papapasukin at aalukin na kumain ng inlubi at iba pa. ­Ginagawa eto dahil sa eto nga ang araw ng pagdalaw ng mga kaluluwa.

Sana naman, noong nakaraang ­Undas tayo po ay nagdasal at nag-alay ng kaunting panahon para sa ikatatahimik ng mga yumao nating mga kamag-anak.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy