Una sa Balita

NoKor pumreno sa nuclear at missile test

By
0 1,025

SINUSPENDE ng North Korea ang nuclear at intercontinental ballistic­ missile (ICBM) test upang bigyang-daan ang miting ni Kim Jong Un at US President Donald Trump sa South Korea.

Ang bagong polisiya ay inanunsyo mismo ni Kim sa isang miting ng Central Committee noong Biyernes at iniulat ng state-run media ng North Korea nitong Sabado.

Sa naturang miting, sinabi ni Kim na nagbago na ang sitwasyon pabor sa ‘Korean revolution’ simula nang inanunsyo niya noong nakaraang taon na nakumpleto na nila ang ‘nuclear forces’.

Aniya, dumating na sila sa level na hindi na kailangang magsagawa ng underground testing o test launch ng ICBM.
Sinabi ni Kim na ipasa­sara na niya ang nuclear testing facility sa Pungye-ri, bagama’t pinaniniwalaan na wala na ring silbi ang nasabing pasilidad matapos masira ng hydrogen bomb test noong nakaraang taon.

Maaaring ginawa uma­­no ito ni Kim bilang preparasyon sa miting niya kay South Korean President Moon Jae-in sa Biyernes at kay Trump sa Mayo o Hunyo.

Ikinagalak naman ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang pahayag ni Kim subalit may kaun­ting pagdududa pa rin ito.

“What is crucial here…is how this development is going to lead to the complete, verifiable, and irreversible dismantlement of nuclear arms, weapons of mass destruction and missiles,” ayon kay Abe. “And I will keep a close eye on that.”