Una sa Balita

Nograles sa Grab: Mga driver tulungan sa lockdown

0 378

Nanawagan si Party-list Rep. Jericho Nograles sa Grab Philippines na makiusap sa mga car dealer at auto-loan companies na huwag hatakin ang mga hinuhulugang kotse ng kanilang mga driver na tumigil sa pasada dahil sa pinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon kay Nograles, dapat gumawa ng paraan ang Grab PH para mapatigil ang paghatak ng mga kompanya ng sasakyan sa mga hinuhulugang unit ng kanilang mga partner-driver sa panahon ng 30 araw na lockdown.

“Nakikiusap po ako sa Grab na bigyan ng kalinga itong kanilang mga driver-partners. Marami sa kanila ngayon ang problemado na maaaring mabawi ang kanilang mga sasakyan dahil hindi nila ma-update ang payment sa kanilang mga loans,” saad ni Nograles.

Binanggit pa ng PBA Party-list solon na tumiba ang Grab mula sa komisyon ng kanilang mga partner-driver kaya marapat lamang na isalba nila ang mga ito sa foreclosure ng kanilang mga hinuhulugan.

“Kung maaari ay makipag-usap ang Grab sa ating mga bangko at sa mga car dealers para matigil muna pansamantala ang kanilang paniningil at huwag munang ilitin ang mga sasakyan kapag hindi sila nakapagbayad,” dagdag pa ng mambabatas.

Aniya, maaari namang abonohan muna ng Grab ang pagbabayad ng hulog ng unit ng kanilang driver-partner at bigyan din sila ng financial assistance na walang interes para lamang makaagapay sa mahabang lockdown.

“This COVID-19 crisis should become an opportunity for Grab to show their support and compassion for their driver-partners,” ani ni Nograles. (JC Cahinhinan)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More