Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

No vax, no ride

0 256

Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang ipinatupad na “No Vax, No Ride ” policy ng Department of Transportation (DOTr) matapos itong ipinatupad noong Lunes, January 17,2022.

Gaya po ng dapat asahan, may mga grupo na agad kumontra na ito ay isang uri umano ng diskriminasyon sa kabila ng malinaw na paliwanag at layunin ng gobyerno para mailigtas sa peligro ng COVID-19 ang mga hindi pa bakunadong mamamayan.

Wala pong hinangad ang gobyerno kundi ang kaligtasan ng lahat ng mga Pilipino laban sa COVID-19 simula pa noong Marso 2020, matapos makapasok sa bansa ang mabagsik na virus na nagdulot ng matinding epekto sa ekonomiya at hanapbuhay ng maraming Pilipino.

Malinaw naman po ang naging paliwanag ng DOTr na ito ay para sa kaligtasan ng mga hindi bakunadong mamamayan, pati na rin ang mga bakunado na posibleng mahawa ng COVID-19.

Lahat tayo ay ayaw maging biktima ng COVID-19 kaya nandiyan ang mga ipinatutupad na pag-iingat, ang pagsunod sa basic health protocols dahil hindi biro ang peligrong dulot nito sa buhay at kalusugan ng bawat Pilipino.

Sa katunayan, batay sa pahayag ng mga duktor at mga eksperto sa medisina, 85% ng mga pasyenteng nasa Intensive Care Units (ICU) ng mga hospital dahil sa COVID-19 ay mga hindi bakunado at kailangang gamitan ng mechanical ventilators.

Ito na lamang sana ang isipin ng mga mamamayan kung bakit mahalagang magpabakuna para magkaroon ng proteksiyon at kaligtasan laban sa bagsik ng COVID-19 na umaatake sa maraming Pilipino at maging sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa kabila ng mga pagtutol, maayos namang nasusunod ng maraming mamamayan ang ipinatupad na polisiya, at kung mayroon mang mangilan-ngilang mga umaalma, maayos namang napapaliwanagan ito ng mga inatasang magpatupad ng ‘no vax, no ride’ policy.

Ayon po sa DOTr, ipinapatupad lamang ang “no vax, no ride” policy sa Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3 o sa mas mataas na alerto gaya ng 4 o 5 status at mayroon pong exemption sa polisiya.

Malinaw po ang naging paliwanag ng DOTr at maging ng National Task Force Against COVID-19 na maaari pa ring pasakayin sa mga pampublikong sasakyan ang mga indibidwal na hindi maaaring bakunahan dahil sa medikal na kadahilanan, at kailangan lamang magpakita ng medical certificate na nagsasaad na hindi sila puwedeng tumanggap ng bakuna dahil sa kanilang kundisyon.

Exempted din po sa ipinatutupad na polisiya ang hindi bakunadong mamamayan na kailangang lumabas para bumili ng pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig at iba pa.

Nilinaw na rin po ng Department of Labor and Employment (DOLE) na exempted din ang mga hindi bakunadong essential workers na kailangang pumasok sa trabaho at kailangan lamang ipakita ang kanilang company ID o certificate of employment para po sila pasakayin.

Sino-sino po ba itong essential workers na ito? Para sa kaalaman ng lahat, sila po yaong mga manggagawa na nagtatrabaho sa mga industriya na pinapayagang mag-operate sa ilalim ng Alert Level 3 gaya ng sinehan; venues para sa mga mahalagang aktibidad; social events gaya ng kasal, binyag, party; limited face to face classes sa mga kolehiyo at vocational courses; tourist attractions; amusement parks; dine-in services sa limitadong kapasidad ; fitness studios at non-contact exercises at sports.

Marami po ang mga manggagawang exempted sa “no vax, no ride” policy kaya hindi masasabing isang uri ito ng diskriminasyon sa mga taong hindi pa nababakunahan.

Ang mahalaga po ay ipaintindi lamang sa mga tao ang layunin ng polisiyang ito sa halip na maging sarado ang isip at kuwestiyunin ito, o kaya ay imbestigahan sa Kongreso.

Sa halip na gugulin ang panahon sa pagkuwestiyon kung ito ba ay makatwiran o hindi, gamitin na lamang sana ang pagkakataon para tulungan ang mamamayan na makakuha ng proteksiyon para sa kanilang kaligtasan.

Ang sabi nga po ni Senador Bong Go, ipaintindi sa mga tao ang “no vax, no ride” policy sa halip na pag-awayan upang mahikayat ang mga tao na magpabakuna.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, sinabi po ni Senador Go na mahalagang ipaintindi sa mga tao ang mga ipinatutupad na polisiya para malabanan ang COVID-19 at mas marami ang makaligtas at magkaroon ng proteksiyon sa pamamagitan ng COVID-vaccine.

Isa lamang po itong ipinatutupad na polisiya sa maraming hakbang na ginagawa ng gobyerno para matugunan ang problema laban sa COVID-19 pandemic at malampasan ang mga kinakaharap na pagsubok.

Halos dalawang taon na po tayong nakikipaglaban sa krisis na hatid ng COVID-19 pandemic at isa sa mabisang paraan para masiguro ang ating kaligtasan ay magpabakuna para magkaroon ng proteksiyon laban sa mabagsik na virus.

Marami tayong supply ng bakuna, libre po itong ibinibigay ng gobyerno kaya dapat samantalahin ang pagkakataon para sa ating kaligtasan at huwag po nating hintayin ang panahon na wala na tayong pagpilian kundi maging abo tayo. Magpabakuna po tayong lahat!

Leave A Reply

Your email address will not be published.