Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

No vax, no ride policy ng gobyerno makatwiran ba?

0 302

Kontrobersyal na maituturing mga Kabalitaktakan ang isa sa hakbang na ipinatutupad ng gobyerno ngayong patuloy na tumataas ang kaso ng Covid-19 sa bansa dulot na rin ng Omicron variant.

Ito’y dahil bukod sa mismong mga opisyal ng pamahalaan mga Kabalitaktakan, hati rin ang posisyon ng mamamayan sa ipinapatupad na “no vax, no ride policy” ng Department of Transportation o DOTr.

Nanindigan na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na labag sa Saligang Batas ang nasabing hakbang at sinuportahan ito ng ilan pang senador.

Giit ni SP Sotto mga Kabalitaktakan, wala dapat diskriminasyon sa mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.

Hinikayat din ng Senate President ang DOTr na umisip ng mas malinaw na paraan para mabigyang-proteksyon ang mga hindi bakunado laban sa “deadly virus”.

Dagdag pa ni SP Sotto, maraming paraan para hikayatin ang mamamayan para magpa-bakuna at hindi kasama rito ang ipagbawal sa mga pampublikong sasakyan ang mga di bakunado.

Hirit naman ni Senador Koko Pimentel mga Kabalitaktakan…wag nang gawing mas mahirap ang buhay ng mga hindi bakunado o ng mga ayaw magpa-bakuna.

Aniya, mas makabubuti sa gobyerno na tiyaking may “access” ang mamamayan sa bakuna…sa halip na pwersahing magpa-bakuna o i-discriminate ang mga hindi pa nababakunahan.

Nagbabala naman si Albay Representative Joey Salceda na magiging “discriminatory” sa mahihirap na mamamayan ang “no vax, no ride policy” ng DOTr.

Binigyang diin pa ni Rep Salceda mga Kabalitaktakan…na “premature” ang nasabing hakbang dahil dapat unahin ng pamahalaan na maglatag ng “massive vaccine roll-out” sa lahat ng mga local government unit sa buong bansa.

Sa akin namang pakikipag-balitaktakan kay Atty Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, nilinaw nito na hindi sila tutol sa “no vax, no ride policy”.

pero, dapat aniyang ayusin ng mga kina-uukulan ang pagpapatupad nito upang hindi magkaroon ng problema sa panig ng mga pasahero at mga namamasada ng pam-publikong sasakyan.

Naniniwala rin si Atty Inton mga Kabalitaktakan na mas magiging ma-ayos ang implimentasyon ng “no vax, no ride policy” kung daragdagan ng gobyerno ang mga pam-publikong sasakyan, partikular na ang bus.

Suportado rin ni Pasang-Masda President Obet Martin ang hakbang ng pamahalaan…sa pagsasabing para naman ito sa ikabubuti ng mas nakararaming mamamayan.

Pakiusap pa ni Ka Obet sa netizen mga Kabalitaktakan na isantabi na muna ang kontrahan sa mga ganitong panahon.

At sa halip, magkaisa sa layuning mapabagal kundi man tuluyang mapigilan ang pagkalat ng Omicron variant na dahilan ng muling pagtaas ng kaso ng Covid-19.

Hinimok din ng pangulo ng Pasang-Masda ang mamamayan na bigyan ng pagkakataon ang mga ipinatutupad na hakbang ng pamahalaan sa panahong ito, lalu pa’t kung para naman sa ikaaayos ng lahat.

Para sa akin mga Kabalitaktakan, maganda ang layunin ng gobyerno na umaksyon para maiwasan ang pagkalat pa ng Omicron variant kung hindi man lubos na mapipigilan.

Gayunman, hindi makatwiran para sa akin na una, pagbawalang lumabas ng bahay at pangalawa, pagbawalan din sa mga pam-publikong sasakyan ang mga di bakunado.

Sang-ayon ako na dapat nang magpatupad ng “drastic move” para mapabagal ang pagkalat ng Omicron variant mga Kabalitaktakan.

pero wag naman umabot sa puntong halos hindi na maka-kilos o maka-diskarte ang mga di bakunado dahil bukod sa bawal lumabas ng kanilang bahay…bawal na ring sumakay sa mga pampublikong sasakyan.

Paalala po sa DOTr at sa gobyerno: tao pa rin po ang mga di bakunado kaya’t marapat lang na ituring sila ng tama at wag labagin ang karapatan ninuman…may bakuna man o wala!

Hanggang dito na lang muna mga Kabalitaktakan…

Staysafe at GOD Bless, yun oh🧔

Leave A Reply

Your email address will not be published.