Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

No vax, no go home?

0 233

“No vax, no ride.” Iyan ang pinaiiral na patakaran ngayon hinggil sa paglabas ng mga taong walang bakuna. Ang simple at literal na pakahulugan nito ay kung walang bakuna, hindi maaring sumakay sa mga transportasyong pampubliko.

Ayon sa gobyerno, ang patakaran na ito ay para proteksyunan ang mga hindi bakunado na hindi mahawa. Kung ganito natin sasabihin, mas maganda nga naman ang dating kaysa sabihin na parusa ito sa hindi pagpapabakuna. Nguni’t may mga pilosopo din na nagsasabi na paanong mahahawa ang mga hindi bakunado kung ang mga kasama nila sa sasakyan ay mga bakunado na? Syempre, ang sagot ay paano kung ang mga kasakay ay pawang hindi bakunado rin. Kung ganoon, tila may katwiran naman ang patakaran.

Nguni’t may komplikasyon ang patakaran. Sabi ni DOLE Secretary Bello na hindi kasama sa patakaran ang mga workers—maging sila ay bakunado o hindi. Sa madaling salita, maaring magsama ang bakunado at hindi sa isang sasakyan subali’t dapat essential—mahalaga o kailangang-kailangan—ang dahilan ng pagbiyahe ng mga hindi bakunado. At dapat rin may katibayan sa kanilang mga katwiran, kagaya ng ID at ibang mga dokumento.

Ayon sa mga nalathalang balita, itinuturing na essential ang pagbiyahe kung ikaw ay papasok sa trabaho, pupunta sa medical check-up, bibili ng mga essential goods, kukuha ng lisensya o pasaporte, at pupunta sa mga bakunahan.

Iba ang nasusulat at iniisip na mangyayari sa aktwal na mangyayari. Tingnan natin ang magiging pamamaraan para masiguro ito. Iniatas and pagpatupad ng patakarang ito sa mga drivers ng trasportasyong pampubliko. Ipagpalagay na nating gagawin nila ito, ang unang tanong ay  may kakahayan ba silang malaman kung ang pinapakitang vaccination card o certificate ay sa pasahero nga o tunay na dokumento?

Para sa magsasabing papasok sila sa trabaho, sinasabi na ang kailangang patunay ay company ID. Alam nating lahat na hindi lahat ng ipapakitang ID ay tunay. Alam din natin na may mga totoong nagtatrabaho na walang company ID, kagaya ng papasok na maglalaba para sa araw na iyon? At alam din natin na hindi ibig sabihin na may ID ay papasok ka sa trabaho.

Para sa pupunta sa medical check-up, ano ang kailangan patunay? Appointment sa doktor? Paano? Lahat ba ng mga klinika ay kauukulang papeles para dito? Tatawagan ba ang mga doktor?

Ito na ang pinakamasalimuot, para sa mga bibili ng essential goods. May listahan ba kung ano ang mga essential goods? Napatunayan na natin na iba-iba ang interpretasyon dito. Naalala niyo pa ba na sabi ng isang opisyal ng barangay na hindi essential ang lugaw? Ano ang magiging pagpapatunay dito? Dapat ba may listahan ka ng bibilihin? Dapat ba magpakita ka na may pambili ka? Nguni’t kahit mayroon ka ng mga iyan, ibig bang sabihin bibili ka talaga? Maari ka bang araw-araw may bibilihin na essential?

Maraming butas ang patakaran. Dapat tinitingnan kung paano ipatutupad ang isang patakaran. Malinaw na minadali at isang reaksyon ito ng mga taong walang kasanayan. Siyanga pala, kasama ba sa listahan na pwedeng umuwi ang walang bakuna?

Leave A Reply

Your email address will not be published.