Una sa Balita

No gown, no jewelries sa SONA

By
0 2

Pabor sa ilang babaeng mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagbawal ang pagsusuot ng mga ito ng gown at pag-display ng kanilang mga alahas sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo.

Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi ni Laguna Rep. Sol Aragones, Kabataan party-list Rep. Sarah Elago at Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus na susunod sila sa kagustuhan ng Palasyo ng Malacañang na simpleng damit lang ang isuot sa SONA.

“Hindi ako magsusuot ng gown sa SONA. Nakasimpleng dress lang ako. ‘Yung dress na isinusuot ko rin sa ordinaryong araw ng session sa Congress. Business attire,” ani Aragones sa panayam ng Abante.

Ganito rin ang pahayag ni De Jesus na karaniwang nagpapagawa ng gown na mayroong nakasulat na mensahe kapag may SONA subalit sa pagkakataong ito ay simpleng damit na umano ang kanyang isusuot.

Maging si Elago, na baguhan sa Kamara ay nagsabi na matagal na nilang panawagan na gawing simple at huwag gamitin ang SONA sa pagrarampa ng mga mamahaling gown at mga alahas.